Napagkalooban ng iba’t ibang serbisyong medikal at iba pa, tulad ng libreng gupit, blood smearing, sugar testing, food packs, at dental services, ang komunidad sa bahagi ng Barangay Cabigaan sa bayan ng Aborlan kahapon, June 15.

Ang serbisyong ito ay hatid ng Vice Mayor’s League Philippines-Palawan Chapter (VMLP), o samahan ng mga bise mayor sa Palawan. Naglalayon ito na maghatid sa mga liblib na komunidad ng mga serbisyong kailangan nila, lalo na ng mga katutubo.

Katuwang ang ibang ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Social Welfare and Development, Department of Health sa Palawan, Philippine National Police, Marine Battalion Landing Team, Mobile Force Company, NGOs, at iba pa.

Bago nagsimula ang aktibidad, isang maigsing programa ang binuksan kung saan nagbigay ng kani-kanilang mensahe ang mga bise-mayor na sina Brooke’s Point Vice Mayor Maryjean Feliciano, Rizal Vice Mayor Maria Gracia Zapanta, at Sofronio Española Vice Mayor Marsito Acoy.

Samantala, pinasalamatan ni Vice Mayor Luningning Batoy, tumatayong VMLP President, ang mga kapwa bise-mayor nito na patuloy na nagbibigay ng suporta, panahon, at dedikasyon sa VMPL upang makagawa ng marami pang mga programa at maihatid ito sa mga komunidad na nangangailangan.

“Para po ito sa inyo barangay Cabigaan, sana po ay makatulong ito sa inyong lahat, nagpapasalamat po ako sa mga naging katuwang natin, sa mga kapwa bise-mayor ko, sa patuloy at walang sawang suporta,” ayon kay Batoy.

Nakatanggap rin ng mga bitamina ang mga senior citizen at kababaihan, habang naghandog rin ng mga laruan ang mga miyembro ng PNP at Marines sa mga bata.

Mainit naman na tinanggap ang hatid na serbisyo ng VMPL ng Cabigaan Barangay Council sa pangunguna ni kapitan Albert Blancia.

Pinaplanong sa bahaging norte ng probinsya ang susunod na medical mission at gift giving sa mga susunod na buwan.