Prayoridad ng pamahalaang lokal ng Linapacan ang magkaroon ng magandang sistema para sa kalusugan kaya itinakda ang Miyerkules bilang araw kung kailan puwedeng maghatid ng mga pasyente na gustong tumungo sa ospital sa Culion upang magpagamot at kumonsulta.

Ayon kay Mayor Emilio Neri, naka angkla lamang ang kanilang sasakyang pandagat sa pantalan sa Brgy. San Miguel para sa mga magpapahatid sa Culion tuwing araw ng Miyerkules.

“Yan naman po ang hangarin ko talaga, magkaroon ng health access ang ating mga kababayan, halimbawa po nito gusto nila mag pa-checkup o di kaya may mga aasikasuhin sa Culion sa ospital, pwede silang pumunta Wednesday sa pier natin, nandoon lang ang sasakyan natin para ihatid sila at kung balikan naman sila sa hapon, maghihintay naman ang sasakyan pabalik ng Linapacan,” sabi ni Neri.

Ayon pa kay Neri, maliban rin ito sa mga tinatawag na “very emergency situation” katulad ng kung may manganganak o hindi inaasahang aksidente o anu pa man. Maaari ring pumunta sa opisina niya o sa MDRRMO at ano mang oras ay pwedeng ihatid sa pagamutan sa bayan ng Culion.

“Sa mga ganiyang sitwasyon, minsan nagbibigay tayo ng fuel kung may sariling bangka o di kaya kahit hindi Wednesday kung may emergency ay inihahatid naman sila, kahit 5th class municipality kami, hangarin ko na mapataas ang health system namin sa Linapacan, ito po ang hangarin ko talaga simula noong naupo ako noong July,” dagdag niya.

Samantala, idinagdag ni Neri na mayroon din silang patient transport vehicle (PTV) na nakatambay naman sa bayan ng El Nido, ito naman ay maghahatid sa mga pasyenteng magmumula sa kaniyang bayan kung nais na magpapagamot naman sa El Nido at sa lungsod ng Puerto Princesa.

Para mas lalo pa umanong palakasin ang health system ng kaniyang bayan, nagpaplano na rin ang LGU na makabili ng isang lupa sa lungsod ng Puerto Princesa na pagtatayuan ng Bahay Tuluyan na maaaring pansamantalang tuluyan ng kaniyang mga kababayan habang may mga mahahalagang inaasikaso sa syudad.

“Hoping kami 2023 January, nagpapahanap pa lang kami ngayon at naghihingi pa kami ng advise sa audit kung paano ito maisakatuparan para maging maayos ang transaksyon nito, para ito sa mga kababayan natin na magmumula dito at pupunta ng City na walang tutuluyan diyan, emergency o di kaya may mga aasikasuhin, importante ito lalo na sa mga walang matutuluyan,” sabi pa niya.

About Post Author

Previous articleCAAP ready for holiday rush
Next articlePamilya ng lalaking nawawala sa Brgy. Sta. Lourdes, nanawagan ng tulong
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.