Inaprubahan na ng provincial board ng Palawan ang libreng sakay para sa mga biyahero na manggagaling sa mga munisipyo mula sa bagong transport terminal sa Barangay Irawan hanggang sa Robinsons Place.

Apat na yunit ng transit bus ang ilalaan ng pamahalaang lalawigan para dito na maaaring mag-simula sa buwan ng Hunyo ngayong taon, pagkatapos ng National at Local Elections (NLE).

Ayon sa pahayag na inilabas ng Provincial Information Office (PIO), ang panukala na iniakda ni board member Cherry Pie Acosta ay inaprubahan noong Marso 22 sa regular na sesyon ng provincial board bilang Resolution No. 053-22 sa una at huling pagbasa.

Hiniling ng resolusyon kay governor Jose Alvarez na maglaan ng nabanggit na bilang ng bus para sa libreng sakay dahil sa magiging malayo na ang transport terminal sa Irawan. Ang libreng sakay papunta at pabalik sa Irawan Public Transport Terminal at Robinsons Place Palawan.

- Advertisement -

“Ito ang agarang naging aksiyon ng Sangguniang Panlalawigan dahil na rin sa hinaing ng mga taga munisipyo na mas magiging malaki na ang kanilang kinakailangang gugulin para sa pamasahe dahil sa hakbang ng pamahalaang lungsod na ilipat ang terminal mula sa Brgy. San Jose patungo sa Brgy. Irawan na maaaring magsimula ang operasyon pagkatapos ng eleksiyon sa Hunyo 2022,” ayon sa PIO.

Nakasaad sa resolusyon na mahahati ang biyahe ng mga bus sa dalawang ruta, kung saan ang dalawa ay ilalaan para sa north bound habang ang dalawa ay sa south bound.

Matatandaan na sa nakalipas na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong nakaraang linggo ay inihayag ni Acosta ang napipintong problema dahil sa malapit nang paglipat ng terminal na may kalayuan sa poblacion area.

Previous articleDepEd approves 72 schools for expanded limited F2F classes in Palawan
Next articleGlobe Business’ Negosyo Essentials offer special discounts, freebies to MSMEs until March 31