Pumirma sa isang Memorandum of Agreement ang Lokal na Pamahalaan ng bayan ng Odiongan at ang opisina ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas para sa pagpapatupad ng Angat Buhay Program sa bayan ng Odiongan sa Romblon. (Larawan mula kay Konsehal Quincy Fabito Bantang)

LUNGSOD NG QUEZON — Pumirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kamakailan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Odiongan, Romblon at ang opisina ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas para sa pagpapatupad sa bayan ng Angat Buhay program.

Ang MOA signing ay ginanap sa Quezon City Reception House at pinangunahan nina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic bilang kinatawan ng pamahalaang lokal ng Odiongan at ni Usec. Philip Francisco Dy, Chief of Staff ng Office of the Vice President (OVP).

Sinaksihan mismo ni Vice President Leni Robredo ang MOA signing kasama si Vice Mayor Diven Dimaala at lahat ng konsehal ng bayan ng Odiongan.

Ang programa ay magbibigay ng P3.5 milyon na proyekto para sa bayan ng Odiongan na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda.

Ayon sa Odiongan Public Information Office, nakapaloob sa programa ang patuloy na implementasyon ng farm mechanization sa bayan ng Odiongan, rehabilitasyon ng aquasilviculture at suporta sa paghahayupan.

Kasama sa ibababa ng OVP sa bayan ng Odiongan ay mga gamit para sa mga magsasaka katulad ng thresher, harvester, water pumps, mga alagang hayop, crab fattening materials at iba pa.

Ayon sa OVP, hangad ng kanilang opisina na iangat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na iyong mga nasa laylayan ng lipunan, tulad ng mga magsasaka at mangingisda sa probinsya ng Romblon.

“Layon ng ugnayang ito na tulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa kanilang paghahanapbuhay. Bahagi pa rin ito ng pangako natin na abutin at mag-abot ng tulong sa pinakamalalayo at pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa,” ayon sa Opisina ng Pangalawang Pangulo ng Pilipinas. (PJF/PIA-MIMAROPA/Romblon)

About Post Author

Previous articleChinese hand seen behind wildlife smuggling attempt
Next articlePalawan Prov’l Capitol Press Club (PCPC), inorganisa