Patay matapos barilin ng kanyang kapitbahay ang isang 26 taong gulang na lalaki sa Barangay Culandanum sa bayan ng Bataraza nang umuwi itong lasing at nagwawala noong Sabado, October 1.

Ayon sa police report, binaril ng suspek na kinilalang si William Marquelencia Suprecencia ang kapitbahay nitong si Belmorie Bonete Ubogan matapos umanong pag-initan ng biktima ang aso ng suspek na kumakahol sa kanya at batuhin ito ng paso ng halaman.

Sa salaysay ng kapitan ng Barangay Culandanum na si Edmundo Oghayon, nagising silang mag-asawa gabi noong Sabado dahil sa malakas na iyak mula sa kanilang kapitbahay. Mabilis umano silang tumungo sa lugar at nakita na lamang nila ang asawa ng biktima na yakap yakap ang walang buhay nitong asawa nakahandusay sa isang kanal.

“Tinanong ko ang misis. Ang sabi lasing (si Ubogan). Hinatid siya ng kaibigan sa loob ng bahay nila tapos noong nasa loob na ng bahay, nagwawala. Binuksan ang pinto tapos sinugod ang aso ng kapitbahay, tapos binato ng paso ng halaman, tapos bigla na lang na may pumutok. Nawala na din ang ingay ng biktima sa pagsisigaw,” pahayag ni kapitan.

Agad na tumawag ng pulis ang Barangay, ngunit nakatakas na ang 63 anyos na suspek na si William Marquelencia Suprecencia.

Ayon kay Bataraza MPS chief of police Maj. Dhenies Acosta, kakaharap ang suspek sa kasong murder with the use of firearm dahil na din sa matagal na iringan na din ng magkapitbahay bunga ng problema.

“Sasampahan nalang naming siya ng kasong murder, dahil sa “old grudges” tapos bahala na ang piskalya kung ibaba nila ito sa homicide,” pahayag ni Acosta

“Ito kasing biyenan ng biktima (Ubogan), umuwi din dating lasing, tinahulan ng aso ng suspek din, dahil ang bahay nila kanal lang ang boundary. Nagalit ang biyenan noon kumuha ng kahoy binato ang aso. Nagalit ang may -ari ng aso, pinulot ang kahoy binato pabalik sa biyenan tinamaan sa mukha. Doon nagsimula ang samaan ng loob nila,“ ayon kay Acosta.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Bataraza Municipal Police Station (MPS) ang suspek matapos na mapakiusapan ng kapitan na sumuko, habang hindi na marekober ang ginamit na improvised shotgun matapos na diumanoy mahulog ng suspek habang patakas noong gabi patungo sa Sitio Culimbawang, kalahating kilometro ang layo mula sa pinagyarihan ng insidente.

About Post Author

Previous articleHospital dev’t and management program meeting, pinangunahan ni Gov. Socrates
Next articlePalaweño youth iniimbitahang sumali sa Tiktok dance challenge tungkol sa WPS
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.