Sa layuning matulungan ang kabataan para malayo sa bisyo at maiwasan ang depression na maaring maranasan ng mga ito dahil sa pandemya sa bayan ng Sofronio Española, isang aktibidad ang isinusulong ngayon ng isang grupo upang palakasin ang larong futsal.
Sinimulan ng grupong Football Club Sofronio Española (FCSE) ang Invitational Futsal Game noong Enero 20-21, kung saan nakilahok ang mga manlalaro mula sa mga bayan ng Brooke’s Point, Quezon, Narra at Bataraza.
Ayon kay Jet Gregas, tagapagsalita ng FCSE, nais nilang bigyan ng libangan at pagkakaabalahan ang mga kabataan upang nitong mailayo ang mga ito sa bisyo at depression na maaaring nararanasan ng mga ito dulot ng pandemya.

“Lalo na sa panahon ngayon, bored ang mga bata, hindi naman maganda na lagi na lang naglalaro sa cellphone. Gusto naming mailayo sila sa bisyo kaya pino-promote namin dito sa mga kabataan sa Española sa pagsali sa football club,” pahayag ni Gregas.
Dagdag niya, mahigpit na ipinasunod ang mga manlalaro sa polisiya ng kaugnay sa COVID-19
“Fully vaccinated ang players natin at lahat sila ay naka facemask. May mga covid marshal din na nagmo-monitor sa aming activity upang maging ligtas ang lahat sa paglalaro,” dagdag niya.




Umaasa rin si Gregas na marami pa silang mahikayat na kabataan sa paglalaro ng futsal na makakatulong sa pagpapalakas pa ng naturang laro.
Samantala, ayon kay Sangguniang Bayan (SB) member John Lester Dela Torre, chairman ng Committee on Sports, suportado niya ang mga ganitong uri ng laro dahil malaking tulong ito sa mga kabataan lalo na sa mga out of school youth (OSY).
Dagdag niya, maari rin sanang makatulong ang sports fund ng lokal na pamahalaan dito subalit hindi ito halos nagamit noong 2020 hanggang 2021 dahil ipinagbabawal ang contact sports kapag ipinapatupad ang heightened restrictions.
“Hindi pa halos nagamit yong sa sports fund natin ngayong taon dahil na rin sa pandemic. Pero kapag okay ang contact sports, may lumalapit naman sa atin para humingi ng tulong at nagbibigay tayo,” pahayag ni Dela Torre.
“Ang sports fund natin ay nasa P100,000-P300000, pero dahil pandemic hindi talaga na utilize masyado. Nag-suggest din tayo na taasan pa pero yon lang talaga kinakaya,” dagdag niya.
Umaasa rin si Dela Torre na ang larong futsal ay isa mga magiging sports habit ng mga kabataan sa bayan na maaaring magpapataas ng kanilang potential.