Photo courtesy of Aljamin Tanjilani

Isang undocumented na lantsa ang napaulat na natagpuan sa lalawigan ng Tawi-Tawi matapos mawala habang naglalakbay sa karagatan ng bayan ng Balabac noong Abril 4.

Sa report ng Coast Guard Station-Balabac (CGS-Balabac), umalis mula sa isla ng Mangsee ang lantsang MI KR Express sakay ang anim katao ng walang abiso, patungo sa mainland ng Balabac subalit hindi ito nakarating.

Sa impormasyon mula sa source ng Palawan News, kinilala ang kapitan ng bangka na si Mitra Tanjilani, habang ang mga pasahero ay kinilalang sina Norpida Tanjilani, Abraham Tanjilani, Nur-amin Tanjilani, Alrajin Ibnohasan, at isang hindi pa nakikilala.

Ayon kay Commo. Rommel Sugpangan, district commander ng Coast Guard District Palawan (CGD Pal), nakatanggap siya ng impormasyon na natagpuan na ang nasabing bangka.

“May latest information ang Coast Guard Station sa Mangsee na nakita na itong lantsa sa isla ng Taganak sa Tawi-tawi. Ang problema namin ngayon, nag-i-stablish kami ng contact doon, kasi walang signal sa Taganak, so yun po ang bina-validate namin ngayon,” ayon kay Commo. Sugpangan.

Pinapa-confirm na namin, wala kasing signal doon sa lugar. Maaaring napadpad ang lantsa sa lugar para mag take shelter,” dagdag niya.

Nauna pa rito ay agad namang inalerto ang CGS Balabac matapos na maiulat na nawawala ang nasabing lantsa.

“Inalerto na ang mga tao natin sa Mangsee. Undocumented ang bangka at wala pang permiso sa Coast Guard bago umalis, pero syempre, ganoon pa man tayo naman ay laging nariyan para tumulong pag may mga ganitong pagyayari,” ani Sugpangan.

Samantala, habang isinusulat ito ay nakapanayam ng Palawan News ang anak ni Mitra na dating disaster risk reduction officer ng Balabac, at sinabi nitong may balita sila mula sa Philippine Navy na ligtas ang mga sakay ng lantsa.

Ganoon pa man, sinabi niya na ayaw niya bastang mag-confirm hangga’t hindi niya nakikita ang kanyang tatay at mga kasama nito.

“Anak po ako ng nawawala na si Mitra. By now, malapit na raw sila rito. Nakita na raw po sila. May balita na from Balabac, sabi ng mga Navy nakita na raw po sila. Safe daw po silang lahat, pero gusto ko pong makasiguro,” dagdag nito.

About Post Author

Previous articleU.S. Peace Corps, Philippine partners welcome new virtual Volunteers
Next articleNUJP reacts to TRO on Ortega murder case trial
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.