Larawan mula sa San Vicente MPS.

Dalawang lalaking wanted para sa kasong murder at homicide ang dinakip ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng San Vicente at lungsod ng Puerto Princesa nitong araw ng Huwebes at Biyernes.

Unang naaresto si Melvin Dulce Tagle, 45 taong gulang, sa Sitio Panamin, Barangay Caruray sa bayan ng San Vicente dakong 8:30, Huwebes ng gabi, Marso 17.

Si Tagle ay inaresto ng pinagsanib na pwersa ng San Vicente Municipal Police Station (MPS), 2nd Palawan Provincial Moblie Force Company (PPMFC) 3rd Platoon, at 401st Regional Mobile Force Batallion, sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Angelo Arizala ng Branch 52, Palawan Regional Trial Court (RTC), na may petsang Pebrero 15, 2012, para sa kasong murder.

Walang nakalaang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Ayon kay P/Maj. Starsky Timbancaya, hepe ng San Vicente MPS, taong 2012 pa nagtago si Tagle matapos na makapatay at masampahan ng kaso.

“Committed ang crime 2012 pa, patagu-tago lang sa mga bundok ng Napsan, Sabang at San Vicente ang suspect,” pahayag ni timbancaya.

Dagdag ni Timbancaya, hindi na nila na-recover ang baril ni Tagle.

Samantala, inaresto rin ng operatiba ng San Vicente MPS, 2nd PPMFC, at Highway Patrol Group (HGP) Palawan ang isang lalaking wanted sa kasong homicide sa Brgy. Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa, ngayong araw ng Biyernes, Marso 18.

Ang suspek ay kinilalang si Edmar Lacson Reyes.

Si Reyes ay inaresto sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Anna Leah Y. Tiongson-Mendoza, ng Branch 164, RTC, Roxas, Palawan, na may petsang Pebrero 24, 2022, at may nakalaang piyansa na nagkakahalaga ng P120,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Vicente MPS para sa kaukulang disposisyon.

Previous articleCOMELEC relaxes some guidelines on campaign activities
Next articleMga barangay sa bayan ng Rizal, makakatanggap ng rescue vehicles ng pamahalaang lokal
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.