Isang lalaki ang nasaksak matapos umawat sa away ng tiyuhin at isang kainuman nito sa barangay Sitio Bubulongan, Brgy. Corong-corong, El Nido, Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Roy Elmedorial Tispeña, 28, construction worker mula sa bayan ng Taytay habang ang suspek ay nakilalang si Rocky Chavez Sebido, 40, electrician mula sa bayan ng Narra.
Ayon sa impormasyong ibinahagi ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office, nag-iinuman ang biktima kasama ang kaniyang tiyuhin na si Nestor Galvez Tispeña, at ilang mga kasama nito sa trabaho, sa kanilang construction camp.
Habang nag-iinuman, nagkaroon ng pagtatalo ang tiyuhin ng biktima at ang suspek.
Sinubukang awatin ng biktima ang dalawa, naitulak niya ang suspek habang inaawat kaya’t nagalit ang suspek at nasaksak ang biktima sa lower abdomen nito.
Naidala naman ang biktima sa isang Clinic sa Barangay Maligaya habang naidala naman ang suspek sa El Nido Municipal Police Station (MPS).
Ayon naman kay Police Executive Master Sargeant Aida Mahinay, Municipal Executive Senior Police Officer (MESPO) ng El Nido MPS, nagkasundo na ang dalawang panig at hindi na rin humantong sa pagkakaso.
Dagdag pa ni Mahinay, matapos ma-lift ang liquor ban sa bayan, sunod sunod na ang insidente na may kaugnayan sa pag-iinom, pinaalalahanan naman niya ang mga residente na maging responsable sa pag-inom.
“Simula nang na-lift ‘yong liquor ban dito sunod sunod na ang mga pangyayaring may kaugnayan sa pag-iinom, yan ang problema natin. Ang mga manginginom kapag nakainom lumalabas, kung hindi naman may nadidisgrasya, kaya sana maging responsable tayo” aniya niya.