Iniimbestigahan ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ang isang lalaking nai-post sa social media dahil sa pagpapanggap nitong nawawalan ng wallet upang makahingi ng pera sa mga tao.
Ayon kay Richard Ligad, hepe ng ACTF, bagama’t wala pa silang malinaw na larawan ng suspek, kaniya na rin itong pinahahanap at pinaiimbestigahan.
“Wala pa tayong malinaw na picture doon, pero in-order ko na na hanapin. pinapatanong natin kung may ganoong raket. Iimbitahan natin para maimbestigahan natin,” sabi ni Ligad.
Noong Linggo, nag-post ang netizen na si Kryzelle Palay Ibañez sa kaniyang Facebook account kung saan isinalaysay niya ang modus ng lalaki na nagpapanggap umano na nawawalan ng pera para makahingi sa mga nakakasalubong.
Kaniya itong nahuli sa modus matapos makita niyang muli sa ibang barangay at parehong-pareho ang sinasabi.
Sa post ni Ibañez ikinuwento niya na ang lalaki ay una niya nakita noong August 10 habang siya ay papuntang City Hall. Bigla itong lumapit at sinabing naiwan nito ang wallet sa tricyle na sinakyan. Nagpakilala ito bilang Ernesto dela Cruz, miyembro ng Philippine Marines at nakatira sa WESCOM.
Kaya ito nasa lugar ay dahil nag-aasikaso ng papeles para sa negosyong gulayan.
Pinakinggan ni Ibañez ang kuwento ng lalaki hanggang sa tinanong niya kung magkano ang kailangan. Nagsabi ito na kung maaari ay kanyang tulungan. Dahil sa naawa siya, binigyan niya ito ng P60 para pamasahe.
Ilang araw mula ng sila ay nagkita, habang siya ay nasa Barangay San Jose ay nakita niyang muli ang lalaki at katulad noong una silang magkita ay humingi ito ng tulong dahil nawalan ng pera ngunit nagpakilala na sa pangalang “Marlon” at nang kaniyang tanungin kung siya ba ay naalala nito, bigla na lamang tumalikod ang lalaki at naglakad papalayo.
Doon na nakunan ng larawan ang lalaki habang naglalakad. Ipinost ito ni Ibañez sa social media kasabay ng pagpapaalala sa mga tao na mag-ingat sa modus nito.
Umani ng ilang komento ang post ni Ibañez at ang ilan ay naglahad ng kaparehong kuwento na posibleng iisang lalaki rin ang gumawa.
“Paalala sa lahat ingat po kapag nakasalubong niyo si kuya at wag po agad maniwala sa kwento niya! P.S. magaling umarte si kuya,” saad nito sa dulo ng kaniyang post.
Nagpaalala naman si Ligad sa mga mamamayan na mag-doble ingat at wag basta basta magtitiwala at kung may makitang kahina hinala ay maari namang iulat sa kanila.
“Kapag ka ganitong mga pangyayari ang maipapayo lang natin e wag tayo basta basta maniniwala, tingnan nating maigi, okay lang na maging maawain tayo pero pag-aralan natin ng maigi baka mamaya hindi na maganda ang gagawin sa atin, baka modus na, kung mapicturan nila at i-forward sa atin,”