Ā
Isang katawan ng lalaki na nasa advanced stage of decomposition na ang natagpuan ng mga awtoridad sa karagatan na sakop ng bayan ng Culion, Martes ng umaga.
Ayon kay Max Raymundo, municipal administration ng Culion, kinilala ito ng kanyang pamilya na si Nerio Abejo, residente ng munisipyo ng Linapacan na tinatayang nawala noon pang November 13.
Natagpuan ang kanyang katawan may tatlong kilometro ang layo mula sa pangpang ng Sityo Alava, Barangay Binudac, Culion ng mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG), pulis, at mga empleyado ng Municipal Disaster Risk Reduction Office (MDRRMO).
Sabi ni Raymundo, ang mga detalye tungkol sa natagpuang si Abejo ay ipinaalam din sa tanggapan ni Culion mayor Virginia de Vera.

“May report kasi din tayong natanggap na may isang taga-Linapacan ang nawawala noon pang November 13 at baka nga ito ang nakita sa Culion. Nakilala naman ng kanyang pamilya na ito nga ang kanilang kaanak base po sa suot niyang relo at damit,” sabi ni Raymundo.
Ayon kay Raymundo, noon pang November 14 at 15 nagsagawa ng search and rescue ang MDRRMO at Coast Guard sa Culion para hanapin ito dahil hinihinalang napadpad ito sa Culion. Ngunit itinigil ang operasyon noong November 16 dahil sa sama ng panahon.
“Ayon po sa kwento mula sa kaanak, sumakay daw ito ng bangka sa Linapacan, hindi naman natin nakuha kung bakit ito nahulog at hinanap na rin ito doon,” dagdag pa niya.