Natagpuan na ngayong 5:25 ng hapon ng Biyernes, Pebrero 11, ang katawan ng nawawalang diumano ay personnel ng DENR Taytay na si Johny Amos, 40, sa baybayin ng Lagpan, Puting Buhangin sa Barangay Alacalian sa bayan ng Taytay.
Si Amos ay nawala sa karagatan na sakop ng Brgy. Pancol sa natura rin na bayan kahapon, Pebrero 10, matapos hampasin ng malalakas na alon ang bangka na kanyang sinasakyan at tumaob ito kasama si Eric Nolasco, 40. Si Nolasco ay sinuwerteng nakaligtas matapos languyin ang Pancol.
Ayon kay Ens. Joeweskie Sarza, station commander ng CGS El Nido, mga residente na ng lugar ang nakatagpo sa katawan ni Amos.

“Nakita nilang nasa shoreline, pero negative yong bangka, hindi na po nila nakita,” pahayag niya.
BASAHIN ANG KAUGNAY NA BALITA: Nawawala na 40 taong gulang na lalaki sa Taytay, hinahanap ng Coast Guard
Ang impormasyon hinggil sa pagkakakita sa katawan ni Amos ay kinumpirma ni Alacalian punong barangay Alexander Avenue at ng asawa ni Amos na hindi na nagpabanggit ng pangalan.
Papunta sana si Amos at Nolasco sa isla ng Sigpit nang maganap ang aksidente.
