Posibleng pagkalunod ang dahilan ng pagkasawi ng lalaking natagpuang patay at palutang-lutang sa ilog ng Purok Bagong Lipunan, Barangay Langogan, noong Martes ng hapon.
Kinilala ni P/Lt. Ray Aron Elona, station commander ng Police Station 1 ang nasabing lalaki na si Rico Queron Arellano, 41, at residente ng nasabing lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, madalas na umiinom ang biktima ayon sa malalapit dito at nakakakilala bago natagpuang patay. Sinasabi ng imbestigasyon na lasing itong tumawid sa ilog sakay ng balsa pauwi sa kanilang bahay.
Sa panayam naman ng Palawan News kay P/Ssg. Ramon Alaska II, ang imbestigador na humahawak sa pangyayari, maaaring dahil sa kalasingan ay nakatulog ito sa balsa na naging dahilan ng pagkahulog at pagkalunod nito.
Base naman sa salaysay ng testigong si Mary Ann Fabia, nakitang naglalakad mag-isa si Arellano patungo sa balsa papauwi ng bahay bandang ala-una ng madaling araw noong July 6.
Ayon naman kay Kgd. Ludevico Talaver Jr., nakita niya mismo noong July 7 ang palutang-lutang nitong katawan sa ilog na hindi pa nakikilala dahil ito ay nakataob.

“Noong oras na iyon, nakita ko pong lumulutang doon sa tabing ilog na nakataob (ang bangkay). Ang nakalutang ay ang ulo lang saka iyong kanyang likod,” salaysay ni Talaver.
Dagdag pa ni Talaver, matapos niyang makita ang katawan nito sa ilog, tumawag agad siya ng tanod upang makuha ito at makilala kung sino.
“Nagtawag ako ng aking mga tanod para tingnan nga kung sino talaga ‘yon, noong makilala namin kung sino siya, iyon po, ‘yong mga kapamilya dumating na rin sila saka tumawag po kami ng pulis para kasama sa procedure sa pagkuha ng bangkay”, pahayag pa ni Talaver.
Base pa rin sa imbestigasyon, ayon sa kaanak ng biktima, hindi na rin sila nagtaka noong mawala ito dahil minsan na rin itong nangyari noon dahil sa kalasingan. Nakababalik rin naman ito.
Ngunit sila rin ay nag-alala sa posibleng mangyari dahil sa sumakay at tumawid ito ng lasing sa balsa at nito ngang Martes ay nangyari ang kanilang kinatatakutan.
Hindi na humingi pa ng karagdagang imbestigasyon ang pamilya ng nasawi sa mga awtoridad. Agad din namang napagpasyahan ng pamilya na ilibing kaagad ito dahil nasa stage of decomposition na ang labi.
(With reports from Jayra Joyce Taboada)