Makikita sa larawan ang natumbang motorsiklo na minamaneho ni Ortiz, ang nasawing biktima sa pamamaril sa bayan ng Narra. // Contributed photos.

 

Isang lalaki ang namatay at isa naman ang sugatan sa pamamaril malapit sa municipal hospital ng bayan ng Narra sa Barangay Antipuluan.

Kinilala ng mga awtoridad ang nasawi na biktima bilang si Frederick Ortiz, 25, habang ang sugatan naman ay si Albert Magbanua, 35, pawang residente ng nasabing barangay.

Ayon sa interview ng Palawan News kay P/Maj. Romerico Remo, nadamay lang si Ortiz dahil ang talagang puntirya ng pamamaril malapit sa Narra Municipal Hospital (NMH) sa Carandang Road ng Antipuluan ay si Magbanua.

“Oo, [si Magbanua], tumakbo si Magbanua at hinabol ng putok. Parating naman itong naka-motor (Ortiz) nahagip siya ng bala. Siya ‘yong namatay, ‘yong nahagip lang ng bala,” sabi ni Remo.

Sabi ni Remo, “dead on arrival” si Ortiz na nagtamo ng bala sa dibdib at sa bandang paa, habang si Magbanua naman ay dinala sa isang pagamutan sa lungsod.

“Si Ortiz ay dead on arrival sa ospital at na-transfer naman si Magbanua sa Puerto Princesa,” sabi ni Remo.

Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, binabagtas ni Magbanua sakay ng kanyang topdown ang Carandang Road mula sa national highway habang si Ortiz naman ay paparating sakay ng kanyang motorsiklo sa kasalubong na direksyon.

Pagdating sa tapat ng ospital, nagpaulan na ng bala ng kalibre 45 ang mga hindi nakikilalang suspek na tumama sa iba’t-ibang parte ng katawan ng dalawang biktima. Natagpuan naman sa lugar ang pitong basyo ng bala ng nasabing baril.

“Galing siyang highway (Magbanua) pagdating doon [sa tapat ng ospital] pinutukan siya noong tumakbo siya hinabol siya ng putok, pasalubong naman itong isa (Ortiz) nagmo-motor, nahagip siya ng bala,” sabi ni Remo.

Aniya, wala namang kinalaman sa droga ang insidente dahil wala itong record sa kanila ngunit tinitingnan din nila ang background ni Magbanua dahil ito ay madalas mapaaway.

Sa ngayon ay na-retrieve na nila ang CCTV footage sa lugar upang matukoy ang direksyong dinaanan ng mga suspek. Patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa nangyaring insidente.

Sabi niya, iniimbestigahan pa rin nila ang motibo sa pamamaril.

“Base sa mga imbestigasyon namin, lagi itong (Magbanua) pinapatawag sa barangay. May mga reports tungkol sa kanya kasi masyadong matapang daw ito. Puwede din nating sabihin na tinitingnan din natin ang pagkatao ni Magbanua na malimit mapaaway,” dagdag niya.

Nangyari man ang sunod-sunod na pamamaril sa bayan, tinuturing pa rin ni Remo na “manageable” ang peace in order sa bayan. Hinihikayat niya ang pagtutulungan ng barangay at komunidad upang maiwasan ang mga kaparehong insidente.

“Sa peace and order kahit may mga ganyang insidente, manageable pa naman ang peace and order sa bayan ng Narra. Although may mga ganyang insidente, hangga’t maari iniiwasan o pine-prevent natin ang mga ganyang pangyayari kaya malimit din tayong nagpapatrolya,” sabi niya.

“Siyempre nakikipagtulungan din tayo sa mga stakeholder natin, No. 1 ‘yong barangay, community dapat katuwang natin sila hindi lang PNP yong magpapatupad nito. Andyan din yong community natin katuwang natin. Siguro advice ko rin sa komunidad natin na magtulungan tayo para mapaayos natin ang kapayapaan dito sa bayan ng Narra,” dagdag ni Remo.

 

About Post Author

Previous articleU.S. launches new biodiversity project to protect the Philippines’ environment
Next articleCapitol supports creation of medical reserve corps
Jayra Joyce Cañete Taboada handles the law and order and the science and education beats. She is also a licensed professional teacher.