Dead on arrival sa pagamutan ang isang 48 anyos na lalaki na suspek sa pangho-hostage matapos itong mabaril ng rumespondeng pulis, bandang 5:55 ng hapon noong Linggo sa Sityo Tagbarokbok, Barangay Isugod sa bayan ng Quezon sa southern Palawan.

Kinilala ito ni Quezon police station chief P/Maj. Bronson Carampto na si Bernard Adial. Ang rumespondeng pulis naman ay kinilala na si P/SMSgt. Ronnie Cantuba.

Ayon sa police report, 5:30 ng hapon tumawag ang kapitan ng Isugod sa istasyon ng pulis para humingi ng tulong dahil sa nagaganap na hostage-taking.

Sa pahayag ni Carampto, una pang pinakalma si Adial na napag-alaman na mayroong depresyon dahil sa problema sa pamilya.

“May depression ito gawa ng may problema silang mag-asawa. Ang asawa niya, iniwan siya,” pahayag ni Carampto.

- Advertisement -

“Napapansin ng mga kapitbahay na hindi siya kumakain, hindi siya natutulog. Iba na ang mood niya. Tapos, yan bigla na lang nangyari ang ganyan, ang pag-aamok niya,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa pahayag ni Carampto, tumagal ng mga isang oras ang pakikipag negosasyon sa suspek, ngunit dahil na rin diumano sa pinagdadaanan nito ay nahirapan na ito ay pakalmahin.

Tumakbo umano ito sa isang bahay at doon ay nang-hostage ng isang bata na binantaang sasaktan gamit ang dala nitong itak.

“Wala na ring nagawa ang pulis natin, last option ay putukan siya,” ayon kay Carampto.

Nagtamo si Adial ng tama sa leeg na naging sanhi ng kanyang kamatayan matapos isugod sa pagamutan. Ipinahayag ni Carampto na magsasagawa din sila ng imbestigasyon kung may pagkakamali ba ang kanilang pulis.

“Normal yan sa mga ganitong insidente na nagsasagawa ng mga internal investigation, para ma imbestigahan ng maayos ang nangyari,” saad niya.

 

 

Previous articleMataas na kalibre ng baril at mga bala, na-recover sa Coron
Next articleLalaking nanaga ng pulis sa El Nido, patay matapos mabaril
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.