Patay ang 52 anyos na si Dioscoro Saldivar Fabiano, habang sugatan naman ang isang pulis na kanyang tinaga noong alas syete ng gabi ng Sabado (January 9) sa Barangay Sibaltan sa bayan ng El Nido.

Si Fabiano ay nasawi matapos maubusan ng dugo habang isinusugod sa pagamutan dahil sa tama ng bala mula sa baril ni P/Pat. J-Ar Acaso ng 4th Platoon ng 2nd Police Mobile Force Company (PMFC).

Nabaril si Fabiano ni Acaso dahil sa pananaga nito sa kanyang kasamahang pulis na si P/Pat. Darios Herrera Archidera na mula rin sa naturang mobile force company.

Si Acaso at si Archidera ay nasa lugar dahil sa pag-responde sa reklamo na diumano ay pinagbabantaan ni Fabiano na papatayin niya ang asawa ng kanyang hipag sa isang bahay sa Sibaltan, ayon kay P/Lt. Alan delos Santos, hepe ng El Nido police station.

“Pumunta kasi ang hipag ng suspek sa 4th Platoon ng 2nd PMFC, yon kasi ang malapit sa kanila. Humihingi siya ng tulong kasi nga daw ang asawa niya, tinatakot na papatayin. May itak kasi ang lalaki (Fabiano),” pahayag Delos Santos sa Palawan News.

“Noong nasa area na sila, pinasok ng babae ang anak sa loob ng bahay habang nag-uusap sila. Ang pulis naman natin, sumandal doon sa gilid ng bahay sa may halamanan. Hindi nila alam yong suspek pala doon nagtatago. Pagdikit ng pulis, tinaga agad siya sa dibdib,” dagdag pahayag niya.

Aniya, masuwerte si Archidera dahil naka-vest ito kaya’t hindi napuruhan masyado sa dibdib sa unang taga. Ngunit nang ulitan ito ng pananaga ni Fabiano ay natamaan na ito sa braso kaya nabaril ito sa hita ni Acaso.

Agad itong isinugod sa El Nido Community Hospital, ngunit idineklara ng dead on arrival.

Ayon pa kay Delos Santos, magsasagawa ang PNP ng patas na imbestigasyon sa nangyari.

 

 

About Post Author

Previous articleLalaking nang-hostage sa Quezon, patay matapos mabaril ng pulis
Next article3 weather systems affecting the country
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.