Hinuli ang isang lalaki ng mga tauhan ng Anti-Crime Task Force (ACTF) noong Biyernes ng gabi sa BM Road matapos umano itong manlaban sa kanila at mang-agaw ng batuta na rumesponde sa report ng kaguluhan sa lugar.
Kinilala ni Marlon Arias, chief tanod sa barangay, ang suspek na si Christian Rodriguez, 19 anyos, residente ng Rizal sa southern Palawan.
Ayon kay Arias, rumesponde ang mga tauhan ng ACTF matapos makatanggap ng ulat na may tatlong lalaking naka-motorsiklo ang pinag-tripan na pagbabatuhin ni Rodriguez.
Nakitaan din umano ang suspek ng patalim at wala itong damit ng arestuhin.
“Wala siyang damit nang inaaresto natin. Nang papalapit na sa kanya ang isang personnel ng anti-crime ay inagaw niya ang baton nito kasi nga medyo lasing na rin siya. Naabutan din namin na armado siya ng improvised panyo na may engine spracket na puwedeng pamalo, at kapag tinamaan ka nito mai-injure ka talaga kasi may mga ngipin ito na medyo matalim,” saad ni Arias.
Mariin namang itinanggi ni Rodriguez ang paratang at sinabing nasaktan na ito sa mga natamong palo, kaya sinubukang agawin ang pamalo ng tauhan ng ACTF.
Aniya, inakala lang ng ACTF personnel na siya ay lalaban. Ngunit ang katotohanan ay para lang hindi siya mapalo.
“Hinawakan at aagawin ko lang po sana ang batuta nila kasi baka saktan ako. Akala niya lalaban na ako sa kanya pero hindi naman. Hindi ko naman sila nilabanan hinawakan ko lang ang pamalo nila kasi sinaktan na nila ako at sabi ko tama na,” depensa ni Rodriguez.
Napag alaman din mula kay Rodriguez na una na itong nadala sa Bahay Pag-Asa sa Baranggay Mangingisda dahil sa kaparehong reklamo.
Pahayag naman ni Richard, ang hepe ng ACTF, walang masasaktan kung hindi siya gumagawa ng masama laban sa ibang tao.
Pinayuhan niya si Rodriguez na iwasang uminom sa labas ng bahay at disiplina ang kailangan upang maiwasan ang ganitong insidente.
“‘Wag na silang uminom sa labas ng tahanan, sa loob na lang ng bahay uminom. Disiplina ang kailangan natin, hindi naman sila sasaktan kung hindi sila gumawa ng masama,” ayon kay Ligad.