Isang 26 taong gulang na binata ang nasa ospital matapos itong masaksak ng hindi nakikilalang suspek paglabas sa bar kasama ang kaibigan sa Brgy. Alfonso XIII, Quezon, sa southern Palawan.

Ang biktima ay kinilala sa ulat ng Palawan Provincial Police Office (PPO) na si Jemon Morano, 26, at residente rin ng nasabing barangay. Nangyari ang pananaksak sa kanya noong madaling araw ng December 16.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Quezon, bago nasaksak si Morano ay mayroon umano itong nabugbog sa loob ng bar na kinilala lang bilang Alvin Aclaracion na residente ng Brgy. Panitian sa nabanggit din na bayan.

Bago pa lumala ang insidente, napigilan si Morano ng ibang kustomer ng bar sa pambubugbog kay Aclaracion.

Pagkatapos ng insidente sa bar ay umalis na ang biktima at kasama nito, sakay ng kulay maroon na motorsiklong Smash 125 pero hindi naman gaanong lumayo.

Nag-park umano ang mga ito humigit kumulang 500 metro lamang mula sa bar na pinanggalingan at nagplano na muling bugbugin si Aclaracion. Ngunit dalawang hindi nakikilalang indibidwal ang dumating at pagkatapos ay sinaksak si Morano at agad na tumakas.

Dinala si Morano sa Quezon Medicare Hospital para sa treatment, ngunit ayon sa PPO, ay na-refer ito sa Ospital ng Palawan dahil sa tindi ng saksak.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya sa Quezon para maaresto ang hindi nakikilalang mga suspek.

About Post Author

Previous articleTreasurer ng Brgy. Sta. Monica, di na nakita matapos mag withdraw ng mahigit P1 milyon
Next articlePALECO assures no scheduled power maintenance till end of the year