Hinahanap ng mga pulis sa bayan ng Quezon sa southern Palawan si Joel Hermogenes Jr., alyas Ronron, na tumakas matapos magtangkang paputukin ang kanyang baril sa kanilang inuman sa Barangay Isugod noong gabi ng December 24.
Sa panayam ng Palawan News noong Biyernes kay P/Maj. Bronson Carampto, hepe ng Quezon municipal police station, sinabi nito na nakipag-inuman sa mga kaibigan nito si Hermogenes sa Sityo Landing sa Isugod at nang malasing ay nagkapikunan sila na nauwi sa tangka niyang pagpapaputok ng kanyang baril na 45 pistol.
“Kahapon (Biyernes) ng 6 p.m., may inuman doon sa Isugod. Dumayo itong si suspek (Hermogenes) ‘yung may-ari ng baril. Noong nag-iinuman sila at medyo lasing na, nahulog ang baril niya na naka-tuck sa baywang niya,” pahayag ni Carampto.
“Tapos pina-pacify siya ng mga kainuman nya, until such time na nagalit na siya. Sa sobrang galit nya, in-attempt niya na iputok ang baril sa lupa, kaso hindi siya nag-materialize. Inagaw ng mga kainuman niya ang baril,” dagdag nito.
Sabi ni Carampto, inaalam pa nila ng lubos kung mayroon bang permit ang baril ni Hermogenes na nasa kanilang pag-iingat na.
Sabi niya, sa inisyal nilang imbestigasyon kasi ay lumalabas na walang record si Hermogenes na siya ay licensed firearm holder. Nag-request na umano sila ng verification sa Firearms and Explosives Office (FEO).
“Initially sa ating verification wala siyang record na he is listed or licensed firearm holder dito sa data namin. Pero nag-request pa kami ng verification sa FEO para masiguro natin,” pahayag niya.
Samantala, patuloy pa din ang paghahanap sa nakatakas na si Hermogenes na sasampahan ng kasong paglabag sa RA 10591.