Jul 2, 2020

Lalaking nagpakilalang Marines, kulong sa Narra

Kinilala ang suspek na si Mariano Medina Carson, 33 na pansamantalang naninirahan sa Quirino St. Barangay Poblacion, Narra.

Photo courtesy of Narra Municipal Police Station.

NARRA, Palawan — Isang lalaking nagpakilala na miyembro ng Philippine Marines ang ikinulong sa munisipyong ito, Sabado ng hapon, matapos mapatunayang nagpapanggap lamang.

Kinilala ang suspek na si Mariano Medina Carson, 33 na pansamantalang naninirahan sa Quirino St., Barangay Poblacion, Narra.

Ayon sa report na ibinigay ng Narra Municipal Police Station sa Palawan News, isinama ni barangay chairman Roderick Aperocho ang suspek sa himpilan ng pulisya matapos itong pumunta sa barangay at magpakilala bilang Corporal Mariano Carson Jr., S2 ng Marine Batallion Landing Team-8.

Sa panayam naman ng Palawan News kay Aperocho sinabi nito na unang pumunta ang suspek sa barangay noong March 19 upang humingi ng quarantine pass at nagpakilala nga sa nasabing pangalan.

Sabi ni Aperocho, nitong Sabado nakatanggap siya ng tawag mula sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRMMO) na nagsasabing may nagpakilalang Capt. Carson sa kanila at humihingi ng relief goods. Tumawag ang MDRRMO upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng suspek kay Aperocho.

Matapos makatanggap ng tawag dumating naman ang suspek sa Barangay Hall at muling nagpakilala ng kanyang sarili. Itinawag naman ito ni Aperocho kay P/Maj. Romerico Remo, hepe ng pulisya Narra MPS.

“Itong nagpapakilalang si Capt. Carson, nagpunta sa akin para pumasyal, nag-courtesy parang ganun, nag-usap kami, namamalengke daw sila that time, inaantay niya lang kasama niya. Tinanong ko kung saan sila naka-base at kung may checkpoint ba silang kino-conduct sa taas ang sabi niya doon daw sila naka-establish sa may water system sa taas, ng water system ng Narra,” sabi ni Aperocho.

Noong nag-usap kami noon, tumawag ako kay chief of police (COP) ang sabi ko nandito ‘yong tao sa akin ngayon. Sabi ni COP walang courtesy sa kanila ‘yong taong yan hindi namin alam na may ganyang unit kung pwede papuntahin na lang dito at nag-courtesy sa istasyon, siguro for protocol sa kanilang uniformed personnel,” dagday niya.
Kusang loob naman na sumama ang suspek kay Aperocho at pagdating doon ay nagpakilala ngang miyembro ng Philippine Marines.

Upang i-verify ang pagkakakilanlan ng suspek, dumating ang mga kawani ng MBLT-4 at doon nga napatunayang nagpapanggap lang ang suspek.

“Dumiretso kami sa PNP at ipinresenta ko siya kay Maj. Remo at nagpakilala nga siya na siya si Capt. Carson, nag-usap sila ni Maj. Remo, nag-usap sila at ‘yon na nga vine-verify nga ‘yong identity at later on dumating ‘yong team ng MBLT-4, sila ‘yong nag-conduct ng verification ng pagtatanong, after that umalis na rin ako kasi marami nga ring trabaho, pero ayon nga sa mga nakuha kong initial report ‘yong taong ‘yon ay hindi talaga miyembro ng Philippine Marines,” ani Aperocho.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry