Inaresto ng mga personnel ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Palawan ang isang lalaki kahapon ng umaga, Mayo 28, sa kanila mismong tanggapan sa Barangay Tiniguiban matapos nitong magpakilalang diumano ay agent ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ang lalaki ay kinilalang si Renato T. Malindog mula Maynila. Nagpakilala umano itong taga NBI at kaibigan ng inaresto na si Zacharias delos Santos at live-in partner nito na si Marilou Dote, mga sinasabing developer ng Far East Subdivision sa Barangay Tagburos, na ngayon ay nasasangkot sa reklamo ng mga lot buyer.
Ayon sa source ng Palawan News na tumangging magpakilala, simula noong gabi ng Mayo 26 nang arestuhin sina Delos Santos at Dote, ay nasa tanggapan na si Malindog ng CIDG Palawan.
Dahil nakakaabala sa imbestigasyon na ginagawa kina Delos Santos at Dote, hinanapan na ito ng pagkakakilanlan ng mga taga CIDG. Nagpakilala ito bilang NBI at nagpakita ng ID. Nang beripikahin ang ID na ipinakita nito, lumalabas na hindi ito empleyado ng NBI.
Ayon kay NBI chief Norman Decampong, si Malindog ay hindi nila agent kundi “confidential informant” lamang.
“Hindi siya organic, ibig sabihin hindi siya NBI agent, informant siya — confidential informant. May ID siya ng NBI para ‘yun ay ma-recognize lang siya na siya ay tumutulong sa gobyerno,” ayon kay Decampong.
“This confidential informant, from the word itself, [ay] confidential. They should not divulge themselves as the assets of NBI, dahil naba-violate nila ang purpose ng pagiging confidential asset ng NBI. Sinabi mo na sa lahat na asset ka ng NBI,” dagdag pa nito.
Pahayag pa ni Decampong, nag-isyu na siya ng certification na puwedeng gamitin ng CIDG para masampahan ng kasong usurpation of authority si Malindog dahil sa diumano ay pagpapanggap na siya ay agent ng NBI Palawan.
“Tinawagan ko ang personnel namin, sinabi ko na mag-i-issue ako dito ng certification, kasi kailangan ng CIDG ng certification. Kasi kung hindi ako mag-i-issue, paano ma inquest ito ng usurpation. Paano masasabi kung NBI ba o hindi?” pahayag pa ni Decampong.
