Patay ang isang lalaki matapos itong barilin ng homemade shotgun ng residente na kanyang sinugod sa bahay na tinitirahan nito at hamunin ng away noong Linggo ng gabi sa Barangay Teneguiban sa El Nido.

Ang biktima na nabaril ay kinilalang si Paul Mark Tumulak, 30. Ang suspek naman ay pinangalanan na si Rodney Valdez, 29, residente sa natura rin na barangay.

Ayon sa inisyal na report mula sa El Nido Municipal Police Station (MPS), sinugod diumano ni Tumulak si Valdez dala ang itak sa bahay ng isang Romeo Eleazar kung saan siya nakitulog noong November 8 ng gabi.

Puwersahan rin umano itong pumasok sa bahay matapos na tagain ang pintuan nito. Gumanti si Valdez at binaril si Tumulak gamit ang homemade shotgun at tinamaan ito sa dibdib.

Sa panayam ng Palawan News sa kapitan ng barangay na si Allan Tanaleon, sinabi nito na maraming beses nang pumupunta ang biktima sa bahay ni Salazar at doon madalas nagwawala.

“Bago po nangyari [ang insidente] noong Linggo, tatlong beses niya nang binalikan ang bahay ni Eleazar, hinahamon niya. Nagkataon noong linggo doon yong si Valdez kasi pamangkin ng asawa ni Eleazar. Nakikitulog doon minsan,” sabi ni Tanaleon.

Aniya, noong gabi ng insidente sinabi diumano ng mga witness sa lugar na si Tumulak ay nasa labas at nagwawala, kumakanta-kanta, at naghahamon, at nagtataga doon sa labas.

Lahat ng tao sa paligid ay umiiwas na kapag nagwawala si Tumulak dahil sa natatakot dito. Ang iba ay nagpapatay ng ilaw o nagsilipat na rin ng bahay dahil sa sobrang takot sa kanya.

“Ayon na nga, nagwala sa loob ng bakuran, ang mga motor at saka topdown nagsitumbahan na, nagkanta-kanta, tapos may biglang pumutok na nga tapos biglang tahimik na,” dagdag pa nito

“Dito po kasi sa amin, kapag nagwawala na yan si Paul, lahat ng tao natatakot, may umaalis naglilipat ng bahay, nagpapatay ng ilaw, sa takot sa kanya. Wala na kasing sinasanto ito si Paul,” pahayag ni Tanaleon.

 

 

Previous articleNTF-WPS continues to push safeguards for PH sea waters
Next articleCity crafts 2021 economic recovery budget
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.