Isang residente ng Malolos City, Bulalacan na may tatlong warrant of arrest laban sa kanya ang nahuli ng mga pulis sa Barangay 2 sa bayan ng Roxas noong Martes, Abril 20.
Ang suspek na sinampahan ng three counts of rape ay kinilalang si alyas Bong, 46, may asawa, at residente na ng nabanggit na barangay ay hinuli sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Victoria Fernandez-Bernardo ng Branch 18 ng Regional Trial Court ng Malolos City, Bulacan.
Ayon kay P/Maj. Erwin Carandang, ang hepe ng Roxas Municipal Police Station (MPS), unang nahuli noong nakaraang linggo si alyas Bong sa nasabing bayan subalit na-serve lang uli sa kanya ang bagong dalawang warrant matapos itong maibaba ng korte isang araw bago sya nahuli.
“Bale three warrants ang meron siya — isa rito walang bail, dalawa naman dito ay may 200,00 thousand bail — bale 400,000 lahat pero hindi pa rin siya makakalabas kung mag-bail siya sa dalawa kasi may kaso siya na hindi puwedeng piyansahan (rape), ” pahayag ni Carandang.
Sinabi rin nya na maaring sinadya ng suspek na pumunta ng Palawan para magtago mula sa batas matapos ang nasabing paratang. Hindi lang isa umano ang nabiktima ng suspek dahil sa hiwalay ang naturang kaso laban sa kanya.
“Siguro po matagal na itong nagtatago dahil according sa suspek matagal na siya sa Palawan. Baka mga 3 or 4 years na siyang nagtatago mula sa batas dito sa Palawan. Wala naman siyang kamag-anak dito kaya siguro iyon talaga ang purpose niya, ang magtago sa batas, ” ani ni Carandang.
“Hindi ko sigurado kung isang tao lang ang nabiktima niya, pero tingin ko magkakaibang tao ito kasi iyong unang rape case niya no bail tapos ito na naman 2 warrant pa lumabas, although hawak na namin siya last week pero kailangan parin naming iserve sa kanya ang warrant kasi seperate case ito,” dagdag pa niya.
Nasa kostudiya ng Roxas MPS ang suspek at hinihintay ng mga awtoridad ang commitment order ng Bulacan court upang mailipat ito sa kulungan.
