Natagpuan ang mga katawan ng isang babaeng hindi nakikilala at isang lalaki na maghahatid lang sana ng order sa kanya na kalan sa Barangay Kamuning, bandang 9 p.m. ng Sabado ng gabi, December 17.

Ang lalaki na nasawi ay kinilalang si Christopher Hermoso Pao, 27, residente ng Brgy. Tinagong Dagat sa bayan ng Narra, na diumano ay maghahatid lang sana sakay ng kanyang motorsiklo ng order na kalan ng isang nagngangalan lamang na “Richard” sa Brgy. Kamuning.

Ang babae naman ay hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan, ayon sa spot report mula sa pulisya sa lungsod.

Ayon sa kapatid ni Pao na si Ailyn Aventajado sa paunang imbestigasyon, umalis ang kapatid sa Narra bandang alas singko ng hapon noong December 17 at nagpaalam na maghahatid ng kalan sa Kamuning. Ngunit pasado alas syete na ng gabi ay hindi pa nakakabalik ang biktima kaya tinawagan na nila ito sa dalang telepono bandang alas nueve ng gabi.

Kwento pa ni Aventajado sa mga nag-iimbestiga, laking pagtataka nila dahil ang sumagot ay hindi ang kapatid kundi ang opisyales na ng barangay na si Kgd. Raymond Reynoso para ibalita na bumangga ang motor nito sa puno ng niyog.

Agad silang tumungo sa Kamuning para alamin ang nangyari kay Pao, at nakausap nila ang kapitan ng Kamuning na si Mael Barrientos na nagsabing may mga nakitang basyo ng bala malapit sa katawan nito.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kasama ang forensics team, para alamin ang pangyayari at kung sino ang babae. Dinala rin umano sa tanggapan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) ang nakuhang bala para sa eksaminasyon.

About Post Author

Previous articleUPDATE: Dalawang biktima sa aksidente sa Brgy. Macarascas, binawian na ng buhay
Next articleGrade 12 ABM student mula Brgy. Salvacion, kinoronahan na Mutya ng Busuanga 2022
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.