Lalaking kalalaya lang, arestado ulit dahil sa droga

KALALAYA LANG, ARESTADO NANAMAN: Ang suspek na si Eduardo Labadia (kaliwang larawan), 36, kasama ang 18 anyos na si alyas “Erica” noong maaresto ng mga pulis sa isang buy-bust operation noong Huwebes, ika-13 ng Disyembre, 2018, sa isang lodging house sa Fernandez Street, Barangay Tanglaw.


Inaresto kamakailan lang ng pulisya ang isang lalaking kalalaya lang dahil sa hinalang pagbebenta ng shabu sa Fernandez Street, Barangay Tanglaw.

Kinilala itong si Eduardo Labadia, 36, na nahuli sa undercover operation nang bilihan ng droga ng Puerto Princesa City Police Office Drug Enforcement Unit (PPCPODEU) at Anti-Crime Task Force (ACTF) ng city government.

Kasama niyang naaresto noong Huwebes ang isang 18 anyos na dalaga na kinilala lamang si alyas “Erica.” Kapwa nasa loob ng isang kuwarto ng lodging house ang dalawa.

Nakumpiska mula sa kanila ang tatlong pakete nang pinaghihinalaang shabu kasama ang isang pakete na nabili ng asset sa buy-bust, marked money, at cellular phones.

Ayon kay PSI Noel Manalo, nakabili kay Labadia ng isang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000 ang kanilang asset. Nang kapkapan ito sa loob ng inuupahang kuwarto sa lodging house, nakuha pa mula sa wallet nito ang dalawang pakete.

Aniya, nakita rin nila sa mesa ang residue ng pinaggamitan ng shabu ng dalawang suspek.

“Katatapos lang gumamit ng mga ito, kita naman ‘yong aluminum foil na may tira pa nang pinaggamitan. Nakabili rin ang asset natin dito sa suspek,” pahayag ni Manalo.

Ayon sa kanilang impormasyon, dati nang nahuli si Labadia sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at kalalaya lang noong Setyembre.

“Kalalaya lang din nito dahil sa drugs pero na-acquit siya. Tapos ito nanaman ang gawain niya. Talagang ayaw magbago,” sabi pa ni Manalo.

Depensa naman ni Labadia, pangkain o panggamit lang ang ginagawa nito at hindi nagtutulak ng shabu sa Puerto Princesa City.

Pero habang nagsasagawa ng imbentaryo ang mga pulis sa mga nakumpiska mula sa kanya, walang tigil ang cellphone nito sa katatatanggap ng text messages mula sa kanyang mga parokyano na gustong bumili ng shabu.

Todo tanggi ito bagama’t nakikita ng mga operatiba ng joint team ang mga text messages.

“Hindi na po ako nagbebenta nyan. Panggamit-gamit ko lang po ‘yan. Pero minsan na lang din ako gumamit, pag-trip ko lang,” pahayag ni Labadia.

Sinampahan siya ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng R.A. 9165.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...