Lalaking kalalaya lang, arestado ulit dahil sa droga

Ang suspek na si Jonathan Bardaje matapos siyang mahuli sa Sitio Bucana, Barangay Matahimik noong gabi ng Huwebes.


Isang lalaking tatlong beses nang nakulong at kalalaya lang ang inaresto pasado alas dyes noong Huwebes ng gabi sa Sitio Bucana, Barangay Matahimik dahil sa hinalang pagtutulak ng shabu.

Kinilala siya bilang si Jonathan Bardaje na residente ng Barangay San Isidro base sa kanyang identification card (ID) na nakuha ng pinagsanib na puwersa ng Puerto Princesa City-Drug Enforcement Unit (PPC-DEU) at ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ng city government.

Ayon kay Senior Insp. Noel Manalo, nagkaroon pa nang habulan bago talagang naaresto si Bardaje dahil natunugan nito na pulis pala ang kanyang katransaksyon sa buy-bust.

Ang marked money at ang sachet ng shabu na nakuha sa suspek na si Bardaje.

Nagawa pa nitong itapon ang marked money na ginamit bilang pamain sa kanya.

“Noong nakita niya na palapit na ang tropa dahil nakatago din kami, agad itong tumakbo sabay tapon ng pera na marked money,” sabi ni Manalo.

Pero mariin itong itinanggi ni Bardaje sa pamamagitan nang pagsasabing hindi ito sa kanya at hindi rin siya nagbebenta ng shabu.

Aniya, tinawag lamang siya ng isang lalaki at nang makita niya ang habulan ay tumakbo na rin siya para makalayo.

“Hindi, sir. Hindi talaga… wala akong alam dyan. Tinawag lang ako noong lalaki. Nakita ko silang naghahabulan dyan kaya tumakbo na rin ako,” sabi ni Bardaje.

Mahigpit din niyang itinanggi na sa kanya ang nakuhang shabu. Sabi pa niya, ito na ang pangalawang pagkakataon na nadawit ang kanyang pangalan sa pagbebenta ng iligal na droga.

Sabi ni Manalo, may tatlong magkakaibang kaso na ang suspek at tatlong beses na rin itong nakulong. Sa katunayan ay kalalaya lang nito noong buwan ng Hunyo.

Sasampahan ito ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...