Photo from Google Map
- Advertisement by Google -

Isang lalaki ang dinala sa ospital matapos na barilin ng hindi nakilalang suspek na umano’y nakagitgitan nito sa kalsada sa Upper Bancuang, National Highway, Barangay Poblacion 5, sa bayan ng Coron dakong ala una ng madaling-araw ngayong Huwebes, Hulyo 14.

Ang biktima ay kinilalang si Amper Junfel Jamer, 38 taong gulang, at residente ng Brgy. Tagumpay ng nasabing bayan.

Si Jamer ay nagtamo ng tama ng bala sa kanyang mukha na agad namang dinala sa Coron District Hospital para malapatan ng paunang lunas bago dinala sa Culion Sanitarium and General Hospital para sa karagdagang medikal na atensyon. Bagama’t nakakausap naman ay posibleng sumailalim ito sa operasyon dahil sa mukha ang tama.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, galing sa inuman ang biktima at nakaangkas sa motorsiklo na minamaneho ng nakilala lamang sa pangalang Nolie nang may makagitgitan silang isang tricycle at nauwi sa pamamaril.

- Advertisement -

Ayon naman kay P/Cpt. Argie Eslava, hepe ng Coron Municipal Police Station, kasalukuyang nagsasagawa ng beripikasyon ang kanyang mga tauhan sa lugar ng insidente.

“Nagche-check na kami ng mga kopya ng CCTV para makita kung tama ba ang impormasyon na naibigay sa amin ng ilang mga witness,” pahayag ni Eslava.

“Iniimbestigahan na rin namin ang driver ng motorsiklo. Ayon sa kanya ang bumaril sa angkas niya ay sakay ng nakagitgitan nilang tricycle pero hindi niya masabi kung ilan ang sakay,” dagdag niya.

Narekober naman ng mga pulis sa crime scene ang isang basyo ng bala ng 9mm caliber pistol at agad na ipinadala sa crime laboratory para sa ballistic examination habang patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation at manhunt operation para sa ikadarakip ng suspek.

About Post Author

- Advertisement by Google -
Previous articleRizal MDRRMO bags 3rd Provincial Rescue Olympics title
Next articleSP seeks aid for concreting of Aborlan road
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.