Lalaki, patay sa pamamaril sa Babuyan

Ang biktimang si Gerardo B. Bufable ay natagpuang patay bandang alas otso y media ng umaga noong ika-3 ng Disyembre sa Barangay Babuyan. Meron itong pitong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.


Nagsasagawa nang imbestigasyon ngayon ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na bumaril at pumatay kamakailan sa isang 52 anyos na residente ng Sityo Tugbuan, Barangay Babuyan.

Kinilala ni PO3 Aldrin Sumandal ang biktima na si Gerardo B. Bufable na natagpuang patay bandang alas otso y media ng umaga noong ika-3 ng Disyembre ng isang dumadaan lamang na residente sa nasabing sityo.

Sabi ni Sumandal, natagpuan na tila naka-upong paluhod si Bufable na may pitong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

“Pagdating ko sa lugar, tinignan ko agad kung ilan ang tama ng victim at sa inisyal nga, mayroon itong pitong tama ng bala sa katawan. Maging sa hita may tama din ito,” pahayag ni Sumandal.

Posible na mayroong malaking galit sa biktima ang hindi pa nakikilalang suspek dahil inubos nito ang bala ng .45 kalibre ng baril. Naiwan ng suspek sa crime scene ang magazine ng baril na ginamit.

Ayon sa pahayag ng mga kapitbahay na nakakakilala kay Bufable, wala itong nakakaaway sa kanilang lugar o nakakasamaan ng loob.

Sabi ni Sumandal, patuloy ang kanilang isasagawang imbestigasyon para malaman kung sino ang suspek at kung ano ang kanyang matibo sa pamamaslang.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...