Oct 28, 2020

Lalaki patay, matapos pagtatagain ng tindero ng isda sa Brooke’s Point

Ayon sa inilabas na ulat ng PPO, hinamon ng biktima ang suspek ng suntukan, dahilan upang ang suspek ay kumuha ng itak at inatake ang biktima.

(Photo courtesy of Brooke's Point MPS)

 

Isang lalaki ang nasawi matapos pagtatagain ng kabarangay nitong magtitinda sa isdaan, sa Sitio Venturanza, Barangay Saraza sa bayan ng Brooke’s Point, Huwebes ng hapon.

Ayon sa inilabas na ulat ng PPO, hinamon ng biktima ang suspek ng suntukan, dahilan upang ang suspek ay kumuha ng itak at inatake ang biktima.

Nakatakbo pa ang biktima upang humingi ng tulong, ngunit inabutan ito ng suspek at tinaga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Kinilala ni P/Capt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Provincial Police Office (PPO), ang namatay na biktimang si Venel Romuladez, 30, at ang naarestong suspek na si Herminie Montemor, 35, parehong mga residente ng nasabing lugar.

Ayon sa panayam ng Palawan News kay P/Cpt. Bernard Dela Rosa, matagal ng may alitan ang suspek at ang biktima. Nakainom pa ang biktima sa mismong araw ng pangyayari.

“May matagal na pala itong alitan ang biktima at ang suspek, basta prior sa incedent, itong biktima chinachallenge niya ito lagi ang suspek, parang binubully nya. Nakakita ngayon ang suspek ng opportunity (na mapatulan ang biktima), ganun talaga kapag galit na galit eh.” sabi ni Dela Rosa.

“Base doon sa investigation, ang biktima ay nakainom din pala. Iyong suspek hindi naman nabanggit kung nakainom,” dagdag ni Dela Rosa.

Naitakbo sa Leoncio General Hospital ang biktima subalit naideklarang patay makalipas ang mahigit isang oras mula ng mangyari ang krimen.

Hawak na ng mga awtoridad ang suspek matapos duguang sumuko sa kanila kasama ang itak na ginamit pantaga sa biktima.

(With reports from Jayra Joyce Taboada)

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry