Isang lalaking kakasuhan sana ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) dahil sa paglabag sa election gun ban ang namatay na noong Martes ng gabi dahil sa hinihinala na seryosong head injury matapos itong maaksidente sa Barangay Bancao-Bancao.
Kinilala ito ni Police Chief Inspector Mark Allen Palacio, hepe ng Station 1 ng City Police Office (CPO), na si Joey P. Saban, 41, residente ng Bancao-Bancao.
Si Saban ay sasampahan sana ng kasong paglabag sa gun ban na nakapaloob sa Omnibus Election Code matapos makuhanan ng baril noong gabi ng February 10 sa Purok Maligaya, Gabinete Rd., Bancao-Bancao.
Pero ayon kay SPO2 Eustaquio Ferrer, binawian na ito ng buhay sa ospital Martes ng gabi dahil sa head injury. Posibleng tumama umano ang ulo nito sa semento matapos maaksidente ang motorsiklong minamaneho at mag-crash.

“Siguro nabagok ang ulo niya. Namamaga din kasi iyong bandang kanan ng pisngi niya noong nasa ospital. Tapos may sugat din siya sa taas ng isang kilay,” pahayag ni Ferrer.
Aniya, maayos pa naman si Saban ng nasa ospital ito at nakakausap ang mga miyembro ng pamilya. Pero bigla itong nagreklamo ng nararamdamang panlalamig at madalas na pananakit ng ulo.
Sumailalim naman daw ito sa CT scan at X-ray pero maaaring nagkaroon ng blood clot sa ulo na hindi nasuri agad ng doktor.
Ayon kay Palacio, si Saban ay ini-report sa kanila ng isang concerned citizen na naaksidente sa Manalo Street malapit sa Feisty Chef restaurant habang sila ay nagsasagawa ng security operation sa may lugar.
Nakita nila si Saban na nakahandusay sa lupa at hindi malayo sa kanya ay nakita rin ang isang caliber 45 pistol Llama Max-1 45 L/F Gabilondoy CIA Vitoria at isang empty magazine na tila itinapon at isa pa na may live ammunition.