Isang lalaki ang nasawi matapos madaganan nang gumuhong mga bato habang naghuhukay ng tunnel sa national highway sa Barangay 6 sa bayan ng Coron noong araw ng Biyernes, Agosto 13.

Ang biktima ay kinilalang si Hernan Baquid, na nagtatrabaho sa Fernvale Corporation.

Sa ipinadalang impormasyon ng isang residente sa Palawan News, sinabi nitong pinahukay diumano ng may-ari ng Fernvale Living and Leisure na si Vicente “Toti” Fernandez  ang kalsada mula sa harap ng Fernvale patawid sa gilid ng Hilltop Hotel.

Wala din umanong ginawang sapat na action sa insidente ang Coron Municipal Police Station (MPS), maging ang lokal na pamahalaan ng bayan, opisyales ng barangay, at ang Department of Public Work and Highways (DPWH).

- Advertisement -

Ayon naman sa Coron MPS, wala silang alam sa sinasabing paghuhukay ng tunnel sa lugar na nabanggit, at wala naman din umano silang natanggap na reklamo mula sa pamilya ni Baquid.

“Para sa both parties, walang isyu ang ang pagkamatay dahil aksidente. Pumunta sila dito para humingi ng assistance at nagbigay na rin ng financial assistance ang Fernvale Subdivision sa pamilya ng biktima,” pahayag ni P/Capt. Ervin Plando, hepe ng Coron MPS.

Ayon naman kay kapitan Maria Cinco ng Barangay 6, hindi niya rin alam ang insidente bago makipag-ugnayan sa kanya ang Palawan News noong Miyerkules ng gabi. Matapos namang makumpirma mula sa Coron MPS ang pangyayari ay agad itong tumungo sa pamunuan ng Fernvale para sa sinasabing paghuhukay ng tunnel.

Binanggit din ni Cinco na sinabi ng representative ng Fernvale na kulang pa ang kanilang papeles para sa nasabing aktibidad.

“May permit daw po sila, pero sa ibang mga agency ay on-process pa at na-delay lang dahil sa pandemic,” pahayag Cinco.

Samantala, sinabi naman ni Sangguniang Bayan member Luche Cabantoy na makikipag-ugnayan sila sa DPWH at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing tunnel.

“Gusto kong i-check nila kung ano ang itsura ng ginagawang hukay sa ilalim kasi tawid sa kalsada at saka national highway ito. Nakakatakot na baka kapag dumaan ang mga mabibigat na sasakyan ay biglang lumubog,” pahayag ni Cabantoy.

Previous articleUnvaccinated individuals, elders account for majority of COVID-19 fatalities in PPC
Next articleSubsidiya sa bamboo industry sector sa Puerto Princesa, isinusulong
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.