Nananawagan ang mga kamag-anak ng 21 taong gulang na si Dave Belarmino Nava na kung maaari ay matulungan sila na mahanap siya matapos tangayin mula sa batuhan sa tabing dagat at tangayin ng malakas na alon kahapon, December 18, sa beach ng Badyang, Sityo Loblob, Brgy. Pasadena sa bayan ng El Nido.

Ayon kay Marilyn Gomo na pinsan nito, hanggang sa ngayon ay hindi pa ito nakikita matapos mawala bandang 1 p.m. noong Linggo.

Nakapag-report na umano sila sa Philippine Coast Guard (PCG) sa El Nido, ngunit dahil sa lakas pa rin ng hangin at alon ay hindi makapaglayag ang mga personnel nito para umpisahan ang search operation.

“Kahapon, nagpunta sila ng dagat. Ang mga bata na yan kapag walang magawa sa amin, pumupunta sila sa dagat, nangangawil sila sa bato lang nakapatong. Nanginginas sila ng mga shells kasama ng pinsan din niya. Noong pabalik na sila, doon na nangyari. Sinabihan pa siya ng kasama niya na, ‘Kuya, wag ka dumaan dyan kasi malakas na yong alon’. Kasi bigla naman talagang lumakas na ang alon,” kuwento ni Gomo.

Kwento niya, alas onse ng umaga umalis sila Nava kaya ligtas pa silang nakatawid sa batuhan sa tabing dagat sa Badyang. Ngunit noong pabalik na, biglang tinangay na ito.

Nakuha pa umanong lumangoy pabalik sa batuhan ni Nava ngunit dahil sa ito ay may kapayatan, ay muling tinangay ng malakas na alon.

“Noong inaabot ang kamay niya ng kasama nya, hindi na siya nahawakan kasi nga tinangay na ulit ng alon. Bigla na lang daw nawala na,” pahayag ni Gomo.

“Hindi na po ano yong suot niya na damit kasi hinubad niya, pero may kulay po ang buhok niya, parang kulay dilaw,” dagdag pa nito.

Siya rin umano ang sumama sa mga personnel ng PCG sa lugar, ngunit hindi kinayang maglayag dahil sa sobrang lakas ng alon. Mayroon din na mga tauhan na ng Philippine Navy ang pinakiusapan para tumulong maghanap.

Wala ang mga magulang ni Nava sa Palawan dahil sa Iloilo ang mga ito. Ang tangi lamang niyang kasama sa bahay ay ang kanyang lola.

Anumang impormasyon na makatutulong para siya ay mahanap ng pamilya ay maaaring itawag sa kanya sa 0995 158 1597, o ipaalam sa pinaka malapit na himpilan ng mga awtoridad.

About Post Author

Previous articleCulion Leper Colony: “Island of Living Dead” noon, “Island of Hope” ngayon
Next articleCity IMT nurse bags first CLUB200 10-ball billiard tournament