Lalaki, natagpuang patay sa Brgy. San Miguel

Makikita sa larawan si Reynaldo Torres Campos na iniulat sa pulisya na natagpuang patay sa Wescom Road, Barangay San Miguel, noong Lunes, April 29, 2019. I-au-autopsy ang bangkay nito para malaman ang tunay na dahilan ng kanyang pagpanaw. (Photo courtesy of Bandera Palawan)


Ipapa-autopsy ng pamilya nito ang isang lalaki na natagpuang patay noong umaga ng Lunes sa Wescom Road sa Barangay San Miguel para malaman kung may foul play sa nangyari dito.

Kinilala ito ni Police Staff Sergeant Emmanuel de Asis, ang chief investigator sa kaso, bilang si Reynaldo Torres Campos.

Ayon sa paunang imbestigasyon, natagpuang patay si Campos na parang natutulog lang dahil may kumot ito sa katawan at nakahalukipkip nang makita ng mga kasama sa trabaho sa upuang gawa sa kahoy.

Ani De Asis, kung titingnan kasi ay parang mahimbing lang ang tulog nito pero nang gisingin ng mga kasama at hindi gumalaw, nagtaka na ang mga ito nang nalaman na patay na pala.

Ayon sa mga nakausap ng pulis sa kanila, nakainuman pa si Campos ng mga ito noong Linggo ng gabi at wala naman daw napansin na kakaiba sa mga kilos nito. Wala rin itong kaaway dahil sadyang mabait at palakwento.

Sabi naman ng caretaker ng bahay na tumangging magpakilala, alas kuwatro ng madaling araw ng Lunes dumating si Campos dahil mag-iipon ito ng tubig.

Napansin niya itong nakahiga ilang minuto ang nakalipas sa upuan pero dahil inakala na natutulog lang ay hinayaan niya ito. Nalaman na lamang niya na ito ay patay.

Sabi ni De Asis, walang pasa o ano mang sugat sa katawan si Campos. Wala rin namang “signs of struggle” na nakita sa kanya.

Ayon kay De Asis, maaaring ito ay inatake sa puso o di kaya ay posible rin na tumaas ang blood sugar dahil sa nakainom at wala pang kain.

Ganito pa man, ibig pa rin umano ng pamilya ni Campos na ipa-autopsy ito para malaman ang naging dahilan ng pagpanaw nito.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...