Lalaki, nasaksak sa rambulan sa San Jose

Makikita sa kanang larawan ang biktimang si Von Jovie Pama (naka-hospital gown) na nasaksak sa likod ng dalawang beses matapos ang rambol na kanyang kinasangkutan sa New Public Market sa Barangay San Jose noong Linggo ng gabi. Sa kaliwang larawan ay ang kanyang likod na mayroong benda dahil sa saksak.


Dalawang saksak ang tinamo sa likod ng isang lalaki noong Linggo ng gabi sa New Public Market sa Barangay San Jose matapos makipag-rambulan sa mga security guards doon.

Kinilala ang biktima na nagtamo nang dalawang saksak bilang si Von Jovie Pama.

Ayon sa security guard ng New Public Market na si Jeremy Moncatar, dumaan ang group ni Pama sa kanilang lugar kasama ang 10 kalalakihan at nagparinig ng hindi magagandang salita laban sa kanila.

“Basta pagdaan nila sa amin, sabi ng isa ‘matatapang lang ang mga sekyu na ‘yan dahil may baril.’ Ang sabi niya pa, ‘subukan nilang ilapag ‘yan’ tapos tinanong ko kung anong sabi niya, tapos ayon nagkagulo na,” sabi ni Moncatar.

Sa dagdag pahayag ni Moncatar, habang nagkakagulo ay tumawag pa ng resbak ang mga kasama ni Pama at pinagtulungan siya.

“Paglapit ko sa kanila para kausapin sila, bigla nalang nila akong pinagtulungan. Ang dami nila… may sumipa sa akin, sumuntok… hindi ko na nga po alam kung saan galing,” sabi ni Moncatar.

Aniya, nang dumating ang mga kasamahan niyang security guards para umawat ay inatake rin ang mga ito ng mga kasamahan ng biktima.

Pinatotohanan ito ng pahayag ng security guard na si Charlie Palarca na nagsabi na nakita niyang pinagtutulungan si Moncatar.

“Aawat sana ako kasi nakita ko ‘yong kasamahan ko na pinagtutulungan nila. Pati ako sinugod din nila, masakit pa ngayon ang lalamunan ko dahil tinamaan nang suntok,” sabi ni Palarca.

Bagama’t hindi sila ang nag-umpisa nang gulo, nahaharap pa rin sila Moncatar sa kasong pananaksak. Sinabi rin nila na handa silang makipag-areglo sa biktima.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...