Ang hindi napapangalanan na suspek at ang sling bag na kanyang nakuha sa sasakyan ng PALECO. (Screenshot sa CCTV na kuha sa lugar)

Nagsasagawa nang imbestigasyon ang pulisya sa bayan ng Rizal kaugnay sa isang hindi nakikilalang suspek na nakuhanan ng CCTV habang ninanakaw ang sling bag na may lamang pera at iba pang gamit mula sa sasakyan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) na naka park sa Purok Mahogany, Barangay Punta Baja sa bayan ng Rizal, 6:30 ng gabi ng Lunes, Pebrero 28.

Ayon sa desk officer ng Rizal Municipal Police Station (MPS) na nakapanayam ng Palawan News, biniberepika na nila ang pagkakakilanlan ng suspek. Tumanggi itong magbigay pa ng ibang impormasyon hinggil sa insidente, maliban sa nagpa-blotter na sa kanila ang biktima na si Mark Donald Serato.

Sa CCTV footage na nakuha ng Palawan News mula sa netizen na si Rhey Paz Villareal ay makikita na mula sa kaliwang gilid ng sasakyan noong gabi ng Lunes ay naglalakad ang suspek patungo sa may kanang bahagi kung nasaan ang passenger seat sa unahan, nagmatyag ng ilang sandali, at saka pumuwesto para dukutin ang sling bag ni Serato, at tumalilis palayo sa lugar.

Ang kuha na ito ay mula sa dalawang kuha ng mga CCTV na ibinigay sa Palawan News. Ang isa ay noong nakawan ang sasakyan ng PALECO at ang isa ay nangyari naman dalawang taon na ang nakalipas.

- Advertisement -

Ayon sa post ni Villareal, nananawagan sila sa mga residente ng Rizal para tumulong upang makilala ang suspek na tumangay ng pera at iba pang gamit.

“Baka kilala niyo po itong tao na ito, kinuha niya ang sling bag sa loob ng sasakyan ng PALECO. Ang nasabing bag po ay naglalaman ng P9,470 plus mga tools na ginagamit sa PALECO na nagkakahalaga ng P10,000,” pahayag ni Villareal.

Samantala, kilala diumano na kawatan sa palengke sa bayan ang naturang lalaki. Ayon kay Anisah Omar, na isa rin sa naging biktima nito, nakuhanan din ng kanilang CCTV ang suspek habang sinasalisihan ang tindera sa kanilang tindahan may dalawang taon na ang nakakalipas.

Sa kuwento ni Omar, bagama’t dalawang taon na ang nakalilipas nang mangyari ang pananalisi sa kanila, dapat mabigyan na ng solusyon ang perwisyo na dulot ng suspek.

“Dalawang beses na kami nanakawan, dalawang taon na pareho ang nakalipas,” pahayag ni Omar.

“Yung nagnakaw sa PALECO ay 99.99% ay siya yung nagnakaw sa amin. Kilala ko yung kilos-lakad niya, siya po yun,” dagdag niya.

Previous article10-year old Palaweña chess prodigy dreams to be grandmaster
Next articleDalawang most wanted sa Misamis Oriental at Palawan, arestado sa mga bayan ng Coron at Bataraza
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.