Ang suspek sa pamamaril na si Dindo Nacasi na nasa malubhang kalagayan ngayon matapos siyang mapukpok sa ulo ng bote at bato ng kanyang pamangkin na si Christopher Nacasi sa Barangay Maunlad noong Lunes, May 20, ng madaling araw. (Photo courtesy of Bandera News Palawan)

Nasa kritikal na kalagayan sa ospital ang isang lalaki matapos itong pukpukin ng bote ng alak noong Lunes ng madaling araw, May 20, sa Barangay Maunlad.

Ayon kay PLt. Ray Aron Elona, tagapagsalita ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1, ang nasa kritikal na kondisyon ay kinilalang si Dindo Nacasi na sinasabing suspek sa pagpapaputok ng baril sa Maunlad.

Dinala ito sa ospital matapos pukpukin ng bote ng alak at ng bato ng kanyang pamangkin na si Christopher Nacasi na residente rin ng naturang barangay.

Lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na si Dindo at si Christopher ay mag-tiyuhin na nagkaroon ng alitan na humantong sa isang malalang sitwasyon.

Ayon kay Elona, si Dindo ay sinasabing nagpaputok ng baril sa Bgy. Maunlad matapos makasagutan ang pamangkin na si Christopher.

“Yong ating suspek (Dindo) medyo nagkaroon sila ng sakitan [ng pamangkin]. Ang suspek natin ay nasa ospital pa hanggang ngayon. Ayon sa initial investigation natin, it’s purely misunderstanding itong [naging ugat nito]. Mag-tito itong suspek at victim natin. May pinag-ugatan [ang away] na nagresulta dito… ‘yong suspek bumunot ng baril at nagpaputok ng isang beses pataas,” pahayag ni Elona.

Kuwento ng biktima na si Christopher, mag-aala una ng madaling araw ng Lunes ay umuwi ito galing trabaho para kumain. Pero nagtaka umano siya dahil sa nagkalat na ang mga plastik at iba pang basura sa harap ng pintuan ng kanilang bahay.

Bigla na lamang umano lumabas si Dindo at nagkaroon sila ng pagtatalo na nagresulta sa isang komusyon.

Pumasok sa kuwarto si Dindo na kanyang tiyuhin at paglabas ay bitbit na ang isang baril, nagpaputok, at siya ay hinamon ng gulo.

Sabi ni Christopher, dahil sa kanyang takot ay tumakbo na siya sa Barangay Hall para i-report ang pangyayari sa mga tanod. Pero sumunod si Dindo sa kanya sakay ng motor.

Dahil sa takot na mabaril siya ng suspek, inunahan ni Christopher si Dindo at hinampas ito ng bote sa ulo hanggang sa nag-agawan na sila ng baril. Nang mabitawan ng suspek ang baril ay doon naman siya nakadampot ng bato at pinagpupukpok ito sa ulo.

Sa tindi ng pagkakapukpok, nasa kritikal na kondisyon si Dindo at kinakailangan ng operasyon sa ulo.

Sabi ni Elona, nagkaroon ng fracture sa ulo ang suspek na si Dindo at patuloy na ginagamot sa ospital.

Kumpirmado rin umano na si Dindo ang may-ari ng baril at ito ang dahilan kung bakit siya sasampahan ng kaso dahil sa paglabas sa gun ban sa ilalim ng Omnibus Election Code na ini-enforce hanggang ngayon.

“Ito (baril) ‘yong naging reason natin para kasuhan siya ng illegal possession of firearm. ‘Yong baril is 9mm na mayroong limang live ammunition sa inserted magazine na defaced ‘yong serial number,” dagdag pahayag ni Elona.

Previous articleFOR DUMMIES AND IDIOTS ONLY
Next articleWESCOM awaits order to implement Writ of Kalikasan issuance by SC