[UPDATED] Isang lalaki ang inaresto ng awtoridad sa pier ng Barangay Balala sa bayan ng Culion kahapon matapos makumpiskahan ng sachet ng pinaghihinalaang shabu.

Kinilala ito sa ulat ng Police Provincial Office (PPO) sa pamamagitan nang tagapagsalita nito na si P/Maj. Ric Ramos bilang si Angelo Audie Santos Cubelo, 34.

Inaresto siya ng operatiba ng Culion Municipal Police Station (MPS), Port Police, at Philippine Coast Guard (PCG) K9 team, habang nagsasagawa ang mga ito ng inspeksyon ng mga bagahe ng pasahero na nanggaling sa Coron bandang 2:30 p.m. noong June 10.

Ayon sa ulat ng PPO, habang nagsasagawa ng panelling inspection, gamit ang anti-narcotics detection dog, ay inupuan nito sa gilid ang itim na bag ng suspek.

- Advertisement -

Indikasyon umano ito na maaaring may ilegal na droga na dala ang may-ari ng bag.

“Dumating kasi ito from Coron, sa regular check up, random panelling sa mga gamit ng bawat pasaherong dumarating. Bawat pier mayroon tayong mga K9 na naka-assign, ang nangyari, inupuan ng K9 ang isang bag na pagmamay-ari ng isang lalaki, at nang tingnan nga, sa isang pack ng sigarilyo, nakitang may sachet ng sinasabing shabu,” ayon naman kay Coast Guard District Palawan (CGDPal) commander Commo. Rommel Supangan.

Nang ulitin ang inspeksyon, nagpakita pa rin ng senyales ang K9 na may presensya ng ilegal na droga sa nasabing bag.

Ininspeksyon ng K9 handler ang bag ng suspek at nakita nga ang isang piraso ng diumano ay shabu na nakatago sa pakete ng Winston na sigarilyo.

Tinataya na ito ay may timbang na 0.3500 grams na may street value na P5,000.

Nahaharap si Cubelo sa kasong paglabag sa Section 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Nasa kustodiya ngayon ang suspek ng Culion MPS.

Previous articleWater supply interruption in parts of PPC on June 14
Next articleWESCOM backs filing of diplomatic protest vs Chinese incursions in West PH Sea
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.