Lalaki, inaresto matapos saksakin ang kalaguyo ng asawa

Ang suspek na si Lydio Cababat matapos masaksak ang kanyang biktima na si Alwin Gatchalian na sinasabing kalaguyo ng kanyang asawa na si alyas Belle noong pasado alas onse ng Linggo ng gabi sa Barangay Tagburos. (Photo courtesy of Bandera Palawan)


Inaresto ang isang lalaki noong Linggo ng gabi matapos sinasabing nasaksak nito ang kalaguyo ng kanyang misis sa Zone 3, Barangay Tagburos.

Kinilala ang suspek sa pananaksak na si Lydio Cababat habang ang kanyang biktima naman ay pinangalanan na si Alwin Gatchalian.

Ayon kay Cababat, nagdilim ang kanyang paningin kaya niya nasaksak si Gatchalian dahil naabutan niya ito at ang kanyang misis na kinilala lamang na si alyas “Belle” na magkayakap pasado alas onse noong gabi ng February 24.

Sabi niya, December 24, 2018, pa nag-umpisang magloko ang kanyang misis at nakikipagrelasyon kay Gatchalian.

Sinasabihan na raw siya ng kanyang mga kapitbahay na may pumupuntang lalaki sa kanila pero hindi siya agad naniwala hanggang sa dumating sa puntong nakikipaghiwalay na ang kanyang misis.

Maghahatid lang sana siya ng gatas ng kanyang anak noong gabi ng insidente pero naabutan niya ang kanyang misis at si Gatchalian na magkayakap sa loob mismo ng kanilang bahay.

Dahil sa nagdilim ang kanyang paningin, nasaksak niya ang biktima.

“Pagpasok ko sa bahay, nakita ko na magkayakap sila ng asawa ko. Syempre nagalit ako, pero ako pa ang binugbog ng kabit niya kaya napilitan akong lumaban kaya nasaksak ko siya. Inaamin ko naman ‘yon,” pahayag nito.

Pero ayon kay Belle, magdadalawang buwan na silang hiwalay ng suspek kaya doon na nakatira sa kanya ang bagong kinakasama. Bumalik lang si Cababat dahil gusto lang raw nitong manggulo sa kanila.

“Nanggugulo na lang yan, eh. Nag-aadik din ‘yan. Pati nga tatay ko gusto niyang saktan,” pahayag ni Belle.

Agad namang sumuko si Cababat sa mga barangay tanod matapos ang insidente. Sasampahan siya ng kaukulang kaso.

Dahil kasal pa ito at si Belle, magsasampa rin ito ng kaso pakikiapid laban kay Gatchalian at sa asawa.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...