(TRIGGER WARNING: This story has potentially upsetting content. Readers should exercise caution.)

Duguan ang isang lalaki matapos itong barilin nang nakaalitan nitong kapitbahay gamit ang isang airgun sa Sitio Maranat 1B sa Barangay Bacungan, Puerto Princesa City, alas 10 ng umaga noong Linggo, October 9.

Ang mga sangkot ay ang magkapitbahay na kinilalang sila Johnrey Gajo Barcemo, 27, ang biktima, at Joselito Tablatin Rafols, 39, ang tinukoy na suspek.

Ayon sa tanod ng Bacungan na si Joey Deyta na nasa lugar nang mangyari ang pamamaril, sumugod sa bahay ng biktimang si Barcemo ang suspek na si Rafols, kung saan nag-iinuman ang limang kalalakihan.

Diumano, unang pinaputukan ni Rafols ang isang lalaki sa inuman na maswerte namang hindi tinamaan.

Sa ikalawang pagkakataon ay tinamaan na sa kanang dibdib ang biktima.

“Yung bumaril, doon po nagtago sa puno ng saging kung saan malapit doon sa nag-iinuman na binaril niya, parang binantayan niya. May unang binaril pa na kasama sa nag-iinuman pero hindi natamaan, pangalawa, ayun tinamaan si Johnrey, bumagsak na,” pahayag ni Deyta.

Hindi masabi ni Deyta kung may mga naunang away ang magkapitbahay.

Ngunit ayon sa tanod, gabi bago mangyari ang pamamaril ng suspek ay sumugod pa daw ito sa bahay ng biktima kasama ang isang kapatid nitong lalaki.

“Magkapitbahay po sila. Sa mga kwento nila, ang isa ang sabi sobra na ang isa. Ang nabaril naman, sinasabi na lagi silang sinusugod kapag nalalasing. Noong petsa 8 ng gabi, sabi ng asawa ng may-ari ng bahay kung saan nangyari ang pagbaril, alas 11 ng gabi, sinugod din daw sila ng magkapatid, mga lasing. Kinabukasan, ayun na nangyari ang pamamaril na doon ako,” dagdag ni Deyta.

Agad namang isinugod sa ospital ang biktima upang malapatan ng agarang medikasyon ang tama ng bala sa kanang dibdib nito.

Sumuko naman sa barangay ang suspek matapos nitong subukang tumakas.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng pulisya ang suspek kabilang na ang airgun na ginamit nito na nauna nang isinuko ng kapatid ng suspek.

About Post Author

Previous articlePAGASA tracking 2 weather disturbances
Next article2 motor at isang kotse nagkarambola sa Rizal Avenue
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.