Nabigla ang mga residente ng Dumaran sa naging malakas na pananalasa ng bagyong Odette sa kanilang bayan noong araw ng Biyernes, Disyembre 17.

Ang malakas na hangin na 185 kilometers per hour (kph) at ulan dala ni Odette ay naging dahilan ng pagkasira ng maraming mga bahay at kabuhayan ng ilang mamamayan, gaya ng taniman ng saging at kamoteng kahoy at maging ng mga bangkang pangisda, na pangunahing pinagkakakitaan sa bayan.

Isa sa lubhang naapektuhan ang coastal area ng Barangay Sta. Teresita na may pinakamalaking populasyon sa bayan.

Ayon sa Coast Guard Station Dumaran (CGS Dumaran), bagama’t nagbigay na sila ng babala sa mga residente na lumikas ng maaga, karamihan sa mga ito ay hindi sumunod at binalewala ang kanilang pakiusap.

“Halos 70 percent ng mga bangka ang nasira dito. Yung mga maaga lang nakapag take shelter sa mga ilog ng Danleg at Ilian ang nakaligtas pero yung iba huli na, wala na talaga hindi na pwedeng iligtas dahil binabayo na ng malalaking alon sa dagat,” pahayag ng CGS Dumaran.

At dahil hindi agad lumikas ang lahat ay nagsagawa na ng forced evacuation ang CGS-Dumaran dakong 4:00 ng hapon habang kasagsagan ng pananalasa ng bagyo sa bayan.

Ayon kay Rachel Derder, residente ng bayan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na naranasan niya ang matinding hagupit ng bagyo.

“Kami kasi, angtagal na namin dito, pag sinabing bagyo akala namin normal lang. Ngayon binigla kami, nagulat kami. Yung bahay namin, bangka, wala na,” pahayag ni Derder.

Dagdag niya, magkaganoon pa man ay nagpapasalamat pa rin sila na walang nasaktan sa kanila at maari pang magsimulang muli ,at malungkot man ang magiging pagdiriwang ng Pasko, ang mahalaga ay buo pa rin ang kanilang pamilya.

“Malungkot man kasi kahit pang-salad sa Pasko wala kasi panis na ang mga buko galing sa mga nagbagaskang niyog. Walang pera, kahit bukayo, walang panggawa dahil may buko, wala namang pmbiling asukal,” ani Derder.

About Post Author

Previous articleAraceli umaasang makakabangon agad sa tulong ng pamahalaan
Next articleCrises on Christmas
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.