Image courtesy of Richard Ligad

Ibinalik na ng mga awtoridad sa kustodiya ng kanilang mga magulang ang tatlong kabataang lalaki na kailan lang ay nahuling nagpo-pot session sa isang abandonadong kubo sa Hagedorn Road, Barangay San Pedro.

Ayon sa pinuno ng Anti-Crime Task Force (ACTF) na si Richard Ligad, ibinalik ang kanilang kustodiya sa kanilang mga magulang matapos silang i-turnover sa City Police Station 1 noong madaling araw ng November 7.

isang tatay ang nagsumbong ng tungkol sa ginagawa ng tatlong kabataan at kung nasaan ang mga ito kaya natukoy ang lugar na kanilang kinaroroonan.

“Inabutan natin sila doon sa may Hagedorn Road sa tabi ng Kalikasan sa abandonadong kubo. Kasi yong isang kasama nila na-ospital (lalaki rin). Bago na-ospital ay nakapagsabi pa na tumira raw sila ng marijuana doon sa area,” sabi ni Ligad.

“Agad lumapit sa amin ang magulang, humingi ng tulong at pinuntahan natin, at nakita nga natin ang mga bata na iyon ay nakaupo. Noong time na iyon ay hindi na sila gumagamit [ng marijuana] kasi tapos na raw ang sabi nila sa amin… [katatapos lang gumagamit],” dagdag pa nito.

Ngunit ayon sa imbestigador ng City Police Station 1 na si P/Cpl. Orlando Devis, nasa kustodiya nila ang tatlong menor de edad dahil sa paglabag sa curfew at hindi dahil sa kanilang marijuana pot session.

“Tinurn-over at nireport na lang ng Anti-crime Task Force (ACTF) ang mga kontrabando sa amin. Kinustody lang natin sila [kabataan] dahil sa curfew na umiiral dito sa ating lungsod,” ang saad ni Devis.

“Hindi natin puwedeng basta-basta ma-file ang kaso kasi medyo mali rin ang proseso na basta-basta lang papasok sa isang pribadong lugar na magco-conduct ng search,” dagdag pa nito.

Wala rin umanong arrest o search warrant bago pinasok ang isang pribadong lugar.

Nakumpiska mula sa mga kabataan ang apat na sachet na mayroong pinaghihinalaang marijuana na nagkakahalaga ng P1,000.

 

About Post Author

Previous articleBill seeking to hike forest rangers’ salary pushed
Next articleDENR, local volunteers collect hundreds of sacks of post-typhoon trash in El Nido