Ang pagrarasyon ng tubig sa Sitio Tagdao, Brgy. Ipilan ng pamahalaang lokal ng Narra (Larawan mula sa Gerandy Danao fb page)

Buwan pa lamang ng Enero subalit nagsimula nang makaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig ang isang komunidad sa Sitio Tagdao, Barangay Ipilan sa bayan ng Narra.

Ayon kay kapitan Fred Loresto ng Brgy. Ipilan, halos wala nang lumalabas na tubig sa mga poso na pinagkukunan ng inuming tubig ng mga residente.

“Ngayong linggo lang ng Enero, halos tuyo na ang mga poso nila sa area. Marahil ay dahil ito sa matinding init ng panahon,” pahayag ni Loresto.

- Advertisement -
(Larawan mula sa Gerandy Danao fb page)

Dagdag niya, karamihan ng mga residente ay sa barangay proper na kumukuha ng tubig na inumin at ang iba naman ay bumibili na sa mga water refilling station sa Brgy. Abo-abo, sa bayan ng Sofronio Española.

“Mataas na lugar kasi ang Tagdao. May posibilidad na kapag may balon ka o poso tapos ganito ang init, talagang matutuyo at mahihirapan sila. Dito na sila sa proper nag-iigib ng tubig. Nasa 100 din ang household diyan at may IP community rin,” paliwanag ni Loresto.

Ayon pa sa kanya, hindi pa nakakarating ang linya ng tubig sa nasabing komunidad na nagmumula sa bayan ng Narra. Matagal na rin niya umanong inilapit sa lokal na pamahalaan ang problema upang makaabot ang water system sa Sitio Tagdao ngunit hanggang ngayon ay wala pang balita na nakakarating kung kailan ito makakabitan ng linya ng tubig.

Dagdag pa niya, malaking bagay ito sa komunidad upang hindi na sila mahihirapan sa suplay ng tubig.

“Kami sa konseho, gusto namin talagang makarating ang tubig sa mga komunidad ng Tagdao pero siguro mahirap pa ang sitwasyon. Kasi ito na lang ang paraan para hindi na sila mahihirapan kung may magandang linya na sila ng tubig doon,” aniya.

Samantala, inihayag din ni Loresto na sisikapin pa rin niyang maiparating ang suliranin sa pamahalaang lokal ng Narra upang masolusyunan ang nararanasang kakulangan sa supply ng tubig ng mga residente.

Previous articleKaso ng COVID-19 sa bayan ng Rizal umakyat na sa 29
Next articleMga kabataan sa Brooke’s Point na ginawang laro ang bugbugan, pinarusahan ng 10 oras na community service sa barangay
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.