Dahil sa hindi maayos na kalagayan ng kalsada sa Sitio Naltep, Barangay Labog sa bayan ng Sofronio Española, naging pangunahing paraan ng transportasyon ng isang komunidad ng katutubo dito ang habal-habal palabas sa national highway at pauwi.

Ang habal-habal ay isang motorsiklo na nilagyan ng tabla sa magkabilang gilid upang magsilbing upuan ng mga pasahero.

Ayon kay Jeric Usop, driver ng habal-habal, maputik, mabato at baku-bako ang kalsada kaya hindi madaanan ng malalaking sasakyan, at kahit na ng tricycle kaya ginawa nilang habal-habal ang kanilang mga motorsiklo

Dagdag niya, nasa 15 na habal-habal ang araw-araw na bumibiyahe mula sa highway papasok sa Naltep, kung saan araw-araw din nilang nararanasan ang hirap ng pagsakay ng kanilang mga pasahero.

- Advertisement -

“Ang sakay ng habal-habal namin mga apat po kabilaan. Mahirap talaga dahil sa daan pa lang pero ito lang ang naisip namin dahil hindi makapasok dito ang mga tricyle,” pahayag ni Usop.

Sa katunayan aniya, mahirap ang kanilang hanap-buhay dito dahil sa pwedeng mangyari sa kanila sa pagsuong sa mga mahihirap na daan.

“May mga kasamahan kami na driver dati na may nahulog sa tulay, may nabalian ng kamay. Pero wala kaming magawa, ito ang hanap-buhay namin, pero iniingatan namin ang mga pasahero namin,” paliwanag niya.

Ayon pa sa kanya, kumikita sila ng P400 hanggang P500 sa isang araw, at P60 naman ang pamasahe ng bawat tao.

Samantala, umaasa naman si Usop na sana maaksyunan ng gobyerno ang kanilang matagal ng problema sa kalsada sa Naltep.

“Maraming nangako sa amin sa daan na ito, ito lang talaga problema namin. May kuryente na kami pero maayos na kalsada talaga ang kailangan namin,” aniya.

Previous articleBar Exams in the time of COVID19 pandemic
Next articleCOMELEC: Rules, restrictions set as poll campaign starts February 8
is the news correspondent for Sofronio Española and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.