Dahil sa pagkansela ng Narra Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) on COVID-19 ng “Tabuan” o Market Day tuwing araw ng Biyernes at Sabado, malaki ang magiging epekto nito sa koleksyon ng Narra Market Enterprise and Slaughter Office (NMESO).

Simula ngayong araw ng Biyernes, Mayo 14, pansamantalang ipinatigil ng MIATF ang Tabuan upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 at bilang bahagi pa rin ng pag-iingat ng bayan kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso nito sa Lungsod ng Puerto Princesa at sa iba pang munisipyo ng lalawigan.

Ayon kay Maxima Garcellan, market supervisor, malaki ang magiging epekto ng pagpapatigil sa kanilang weekly collection na siyang ginagamit na karagdagang pondo para sa maintenance ng pamilihang bayan, subalit kailangang sundin ang patakaran ng MIATF.

Dagdag pa ni Garcellan, tuwing araw ng tabuan ay nakakakolketa ang NMESO ng halagang humigit-kumulang P8,000.

“Hindi lang naman siguro ang Narra, may ibang mga lugar sa atin na wala munang market day o tabuan pero wala tayong magawa dahil kauutusan po at kailangan nating ipatupad na wala munang tabuan simula sa Biyernes,” pahayag ni Garcellan. 

“Syempre malaking epekto ito sa lahat lalo na sa mga kababayan natin na nagbebenta ng mga produkto nila tuwing tabuan. Doon naman sila umaasa sa pang araw-araw na pangangailangan nila pero wala tayong magagawa, prayoridad pa rin natin ang kaligtasan ng lahat,” dagdag niya. 

Ayon pa sa kaniya, aantayin na lang kanilang opisina ang kautusan na ilalabas ng MIATF kung kailan pwedeng ibalik ang market day. Aminado rin siya na simula noong magpatupad ng mga no inter-municipality travel dahil sa mga mahigpit na pagpapapasok sa mga municipal boundary, kaunti lang din ang mga negosyanteng nakakapagdala ng produkto para maibenta sa tabuan. 

“Dati noong hindi mahigpit, may mga kabababayan tayong mga negosyante na nagbabagsak ng kanilang produkto dito sa tabuan pero noong ipatupad ang mga restrictions maging ang bilang ng mga nagtitinda sa tabuan ay apektado. Mga negosyanteng taga-Narra lang talaga ang nagbabagsak ng kanilang mga gulay at iba pang produkto,” paliwanag niya. 

Samantala noong May 5, nilagdaan ni Narra acting mayor Crispin Lumba Jr. ang polisiya para sa mga mamamayan ng Narra may kaugnayan sa schedule ng pamamalengke ng mga residente.

Nakapaloob sa Executive Order (EO) no.2021-143 ang polisiya na nagtatakda schedule sa pagpasok ng pamilihang bayan.

Ang araw ng lunes,miyerkules at biyernes ay inilaan para sa south barangay at ang araw ng Martes,Huwebes at Sabado ay inilaan para sa mga north barangay habang ang araw ng linggo ay para sa mga frontliners. 

“Dahil walang tabuan starting May 14, wala tayong makikita sa mga covered building natin na nagtitinda. Ang makakapagtinda lamang is yong mga regular na may pwesto sa pamilihang bayan, iyong mga tindahan na nasa loob, yung wet market at iba pang tindahan sa loob,” aniya.

Previous articleCovered building sa public terminal, pormal na pinasinayaan
Next articleInsular Life launches Prime Secure Lite, affordable term life insurance with additional COVID-19 coverage
is the news correspondent for Sofronio EspaƱola and Narra, Palawan. He also covers some agriculture stories. His interests are with food and technology.