‘Kidnap me’ modus, bistado ng pulis

Ang magkasintahan na sina Bert Atelano at Charice Martinez na pinaghihinalaang nagsagawa ng modus na “kidnap me” para makahingi ng ransom sa magulang ng babae.


Isang lalaki ang nahaharap sa kasong paglabag sa Article 318 ng Revised Penal Code dahil sa “kidnap me” modus kung saan sinasabing kasabwat niya ang kanyang kasintahan.

Kinilala ang suspek na si Bert Atillano ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Station 1, samantalang ang 23 anyos na girlfriend naman ay si Charice Martinez.

Dumulog sa PPCPO Station 1 noong Miyerkules, December 19, ng alas tres ng hapon si Martinez at nagsumbong na siya ay biktima ng kidnapping ng kanyang boyfriend at ilan pang kalalakihan.

Sa kuwento ni Martinez kay Police Chief Inspector Mark Allen Palacios ng PPCPO Station 1, sinasabi nito na siya ay dinukot ng boyfriend at dinala sa isang masukal na lugar kung saan nila isasagawa ang modus na “kidnap me.”

Sabi nito, sa masukal na lugar ay ise-set up nila ang drama na siya ay kinidnap at mag-vi-video call sa kanyang magulang kung saan ipapakita nila ng live ang paggapos sa kanya at pagkatapos ay hihingi sila ng pera bilang pantubos.

“Dinala po nila ako sa masukal na lugar… para doon daw po namin gagawin ‘yong plano niya. Tapos tatawagan namin ang nanay ko sa video call para makatotohanan daw,” pahayag ng dalaga.

Pero nag-umpisang magduda si Palacio sa complainant na si Martinez dahil naging paiba-iba ang senaryong inilalahad nito.

Sabi ni Palacio, sinubukan niya si Martinez sa pamamagitan nang pagsasabi na pupuntahan na nila ang mga kasama nito para arestuhin, pero nag-iba nanaman ang kuwento ng complainant hanggang sa mapaamin na ito na siya ay kasabwat sa “kidnap me.”

“Habang kausap ko siya. Napansin ko na umiiyak pero wala namang luha. Sabi ko, ‘inom ka muna ng tubig’. Inobserbahan ko, di naman nanginginig. Kung talagang nakidnap at sinasabi niya pa na na-rape siya… syempre fresh pa ‘yon. Pero di ko nakikita sa kanya ‘yong gusto kong makita na reaksyon ng rape victim,” pahayag ni Palacio.

Nabisto pa ng pulisya na hindi ito ang unang pagkakataon na sinasabing niloko ni Martinez ang kanyang magulang sa pamamagitan ng “kidnap me.”

Inamin naman ito ni Martinez at sinabing noong una ay humingi sila ng ranson money na P25,000 sa kanyang ina.

“Noong una po P25,000. Tapos pangalawa… P150,000 pero hindi ko naman gusto ‘yon, siya (Atelano) lang po ang may plano n’yan,” sabi ni Martinez.

Sinabi rin niya na pinagbabantaan ng boyfriend niya ang kanyang buhay kaya siya pumayag sa plano.

Mariin naman itong itinanggi ni Atelano at sinabing gawa-gawa lang ng kasintahan ang kuwento nito sa pulisya.

“Ay, hindi ko po alam ‘yan, sir. Sinungaling yan. Bakit ako ituturo nyan?” pahayag ni Atelano.

Napagalaman rin ng pulisya na dahil sa “kidnap me” modus, paghingi ng ransom, at pagsasabing siya ay na-rape ay na-ospital ang nanay ni Martinez.

This material may not be published, broadcast, rewritten, or redistributed. © Copyright 2018 - Qubes Publication and Ads Promotion. All rights reserved.

You may also like...