SOFRONIO ESPAÑOLA, Palawan — Isang commercial establishment sa munisipyong ito ang nalimas ang kita at nawalan ng ilang cellphone units matapos looban ng apat na suspek na menor de edad, Martes ng hapon.
Ayon sa ulat ng pulisya, nalimas ang mga tindang cellphone at kita ng Kaya Mo Commercial matapos pasukin ito ng mga batang suspek sa pamamagitan ng pagsira sa padlock nito.
Sa pagsisiyasat ni P/SSg. Rosbel Baleros, ang case investigator, nalaman na sangkot ang apat na kabataan.
Naaresto si Alyas “Toto”, 17, nakatira malapit sa Kaya Mo Commercial. Ang tatlo pa na menor de edad na posibleng kasama nito ay nakatakas.
Nabawi mula kay Alias Toto ang 1 unit ng Vivo, 2 gitara, at ang backpack na may laman na mga panlalaking damit.
“Si Toto ay nakuhaan natin ng mga items na posibleng nakaw. Tatlo pa ang maaaring kasama nito na nakilala na rin natin ang mga pangalan. Nagsagawa na tayo ng manhunt operation sa tatlong iba pa,” sabi ni Baleros.
Sa kabuoang inventory ay 20 units ng cellphone ang nalimas, samantalang ang perang nawawala ay nasa humigit kumulang P38,000.
Nasa kustodiya na ng mga pulis ang nadakip na menor de edad habang hinihintay pa ang kasunduan mula sa DSWD.