Nasa 60 na partisipante mula sa mga munisipyo ng Palawan ang lumahok sa kauna-unahang pagsasanay na may kinalaman sa Screening, Brief Intervention, and Referral to Treatment Training (SBIRT) noong February 20 at magtatapos sa February 23.
Kabilang sa kanila ang mga representante mula sa lokal na pamahalaan, Municipal Health Offices, at Philippine National Police. Ginaganap sa VJR Hall ng gusaling kapitolyo ang pagsasanay.
Layunin nito na mabigyan ng tamang kaalaman ang mga partisipante hinggil sa mga dapat gawin sa mga Persons Who Use Drugs (PWUDs) at mga proseso na dapat sundin sa pamamagitan ng mga angkop na screening tools.
Ayon kay PADAP/SPS-CARES Program Manager Eduardo Modesto V. Rodriguez, nais nitong mas mapalawig pa ang SBIRT sa mga munisipyo sa lalawigan.
“Kailangan natin makita, matugunan, malaman at matukoy ang problema upang mabigyan ng karampatang aksyon at kung ano ang maibibigay na kalunasan upang patuloy na maiiwas sila sa droga. Ang training na ito ay magtuturo sa atin paano magamit ang mga tools para sa proseso,” ani Rodriguez.
Dumalo rin sa unang araw ng pagsasanay si Provincial Legal Officer Atty. Joshua Bolusa bilang kinatawan ni Gov. V. Dennis M. Socrates kung saan binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagkakaisa ng lahat upang masugpo ang droga sa lalawigan.
“We already know that the drug problem is a pernicious problem and a very big problem in the country. The former administration took a different approach, we have tokhang that generated results, but as everyone now realized, this activity needs a whole of a nation approach, it needs everyone and everybody contributing a little bit but wholeheartedly towards the eradication of this problem,” pahayag ni Bolusa.
Ito ang kauna-unahang pagsasanay na nakatuon sa SBIRT na isinagawa sa Palawan sa pamamagitan ng Pamahalaang Panlalawigan, Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) katuwang ang Department of Health (DOH) na inaasahan naman na mas mapapalaganap pa sa lahat ng mga munisipyo sa lalawigan.
Samantala, si Dr. Sahlee Montevirgen-Sajo mula sa Department of Health MIMAROPA ang nagsisilbing tagapagturo sa nabanggit na pagsasanay na may temang “Sugpuin iligal na droga, Palaweño’y aasenso, Susulong sa progreso.”