Dinaluhan ng humigit kumulang 100 na mga partisipante na binubuo ng local fisherfolks at may-ari ng mga commercial at municipal fishing vessels sa bayan ng Quezon ang kauna-unahang “Fisheries Caravan” na isinagawa kahapon, Marso 17, 2023 sa Brgy. Tabon ng naturang munisipyo.
Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng Office of the Provincial Agricuturist (OPA) sa pamumuno ni Dr. Romeo Cabungal katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Palawan, Maritime Industry Authority (MARINA) – Palawan, Pamahalaang Lokal ng Quezon at USAID Fish Right.
Ayon kay Dr. Cabungcal, pangunahing layunin ng aktibidad na personal na maipaabot sa mga mangingisdang Palaweño mula sa malalayong munisipyo ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan partikular ang registration at licensing ng fishing gears at fishing vessels upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga ito.
Aniya, sa inisyatibo umano ng Committee on Agriculture and Aquatic Resources ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Board Member Ariston Arzaga bilang chairman, ipinatawag umano sila sa komite upang pag-usapan ang mga hakbang na maaaring gawin upang matulungan ang maliliit na mangingisda sa Palawan.
“Ito pong ginagawa nating fisheries caravan, ang pinanggalingan po talaga nito ay ipinatawag kami [Sanggunian] kung ano po ang gagawin, kasi po nakita talaga namang visible na in terms of agriculture, pag sinabi pong agriculture naandun ang fisheries at kakaunti lang ng porsiyento talaga ang pumupunta sa fisheries, pero napakalaki ng contribution sa ekonomiya ang ating pangisdaan, doon po tayo tumingin kaya tayo nagkaroon ng fisheries caravan”, ani Dr. Cabungcal.
Ipinaliwanag din nito ang kahalagahan ng registration gayundin ng licensing para sa mga commercial at municipal fishing vessels para sa proteksiyon ng mga ito sa pangingisda gayundin upang hindi magkaroon ng kaukulang penalty para sa operasyon ng kanilang kabuhayan.
Ayon pa kay Cabungcal, ang naturang aktibidad umano ay pilot test pa lamang kung saan inaasahan na magsasagawa rin ng kaparehong aktibidad sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan.
“Ang enforcement po sa pangisdaan, sa pagpapaunlad ng pangisdaan ay isang tulong o kaya tool para mapangasiwaan po natin nang mabuti ang ating mga pangisdaan, more particularly po ang tinutukoy natin ngayon ay sa bayan ng Quezon at ito po ay pilot test natin [fisheries caravan], anuman ang outcome nito ay magiging gabay po sa ibang mga munisipyo.”
Sa pamamagitan naman ni Engr. Nelson Sobrevega ng MARINA-Palawan ay ipinaliwanag naman nito ang proseso maging ang lahat ng mga kinakailangang dokumento para sa pagpaparehistro upang hindi na gumastos ang mga ito sa pagtungo sa lungsod ng Puerto Princesa upang makapagparehistro ng kanilang fishing gears at fishing vessels.
Samantala, nagtapos ang programa sa pamamagitan ng open forum kung saan tinalakay ang kasalukuyang isyu na kinakaharap ng mga mangingisda na nangangailangan ng agarang tugon gayundin ang posibleng tulong ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.
Lubos din ang naging pasasalamat ng mga ito sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates sa pagbibigay halaga at pagpapalakas sa maliliit na mangingisda sa lalawigan na produkto nang isinagawang “Usapang Palawan”.
Samantala, ang aktibidad ay dinaluhan nina Board Members Ariston D. Arzaga at Ryan D. Maminta kasama ang mga kinatawan ng LGU Quezon, Brgy. Officials mula sa iba’t ibang barangay, PNP Maritime- Quezon at Philippine Coast Guard.