Oct 2, 2020

Katutubong Pala’wan humihingi ng tulong pampagamot

Ang paghingi ng tulong ni Mercy Padon, 40, may apat na maliliit na anak, ay kanyang ipinadaan sa pamamagitan ng guro na si Mary Aban Cerilo ng Bancalaan Elementary School (BES).

Photo courtesy of Mary Aban Cerilo.

Isang ginang na katutubong Pala’wan sa Barangay Bancalaan, Balabac ang humihingi ng tulong upang makapagpagamot dahil sa lumaki niyang tiyan.

Ang paghingi ng tulong ni Mercy Padon, 40, may apat na maliliit na anak, ay kanyang ipinadaan sa pamamagitan ng guro na si Mary Aban Cerilo ng Bancalaan Elementary School (BES).

Sabi ni Cerilo, nagpa-check up si Padon sa Brooke’s Point bago magsimula ang enhanced community quarantine (ECQ) noong Marso at maliit pa ang tiyan nito. Nasabi ng doktor kay Padon na may problema ito sa matris at kailangang ma-operahan sa lalong madaling panahon.

Ngunit dahil sa hirap din sa buhay, hindi agad ito naisagawa.

“Noong nagpa-check up sila, maliit pa ang tiyan niya. Dahil mahirap din ang buhay, mas minabuti nilang ipanalangin na lang na sana ay hindi lumala. Nabanggit sa kanya ng doktor na may problema siya sa matris at mas mabuting operahan si nanay,” pahayag ni Cerilo.

Sabi pa ni Cerilo, noong magsagawa ng survey ang mga guro para sa pagbubukas ng klase sa August ay napasyalan nila si Padon at nagtaka siya na lumaki na ang tiyan nito at sobra siyang naaawa.

Sa kuwento sa kanya ni Padon, sinabi nito na minsan ay hinihingal na siya at nahihirapan. Pero wala itong magawa sa kanyang sitwasyon dahil wala naman itong pera pangpa-opera.

“Inilapit ko na ito sa barangay council ng Bancalaan para kahit papaano matulungan at makaipon para sa pagpapa-opera niya sa lalong madaling panahon,” sabi ni Cerilo.

“Humihingi ako ng awa sa lahat na kahit ilan lamang para makadagdag sa pagpapa-opera ni nanay Mercy,” dagdag niya.

Sa lahat ng gustong tumulong puwedeng kontakin si Cerilo sa numerong 09203311290.

 

Share your vote!


How do you feel about this post?
  • Happy
  • Sad
  • Angry