[UPDATED] Natagpuan sa karagatan na sakop ng Barangay Casian, Taytay, noong Sabado ng gabi ang mga katawan ng isang tatay at dalawa niyang anak na lalaki na hinihinalang nalunod dahil sa aksidente.

Ang mga biktima ay si Alwin Latube, 38, at ang dalawang anak nito na anim at walong taong gulang. Natagpuan ang kanilang mga katawan ilang oras pagkatapos umalis sa sityo ng Luyo sa nasabi rin na barangay, bandang 9-10 ng umaga, June 18, ayon sa kapatid nito na si Rosemelyn Latube.

Pahayag ni Rosemelyn sa panayam ng Palawan News kahapon, ang alam nila ay dadalhin lang ng kuya nila na si Alwin ang bangka nito malayo sa pampang kung saan hindi ito aabutan ng paghibas ng tubig dagat (low tide).

Aayusin kasi nito ang makina ng kanyang bangka na nagka-aberya, at pagkatapos ay tutuloy na para mamusit o manghuli ng pusit bandang hapon.

Ang dalawang anak naman nito ay humabol lang sa tatay nang makitang paalis na ito sa pampang.

“Nakita ng dalawang anak niya, hindi na napigil ng nanay nila — sumampa na ang dalawang bata sa bangka, sinama na lang ng tatay nila,’ pahayag ni Rosemily.

“Aayusin kasi [ang makina ng bangka] dahil kapag nahibasan, di na makakaalis para makalaot,” pahayag ni Rosemelyn.

Ayon pa sa kanyang kuwento, nagtaka na ang asawa ni Alwin dahil hapon na ay hindi pa rin ito nakakauwi mula sa pag-aayos ng makina ng bangka kasama ang dalawang anak.

Sa pag-aalala ay ipinaalam na sa mga kaanak ang hindi pag-uwi ng mag-aama, at maging sa barangay ay humingi na rin ng tulong ang kanilang pamilya.

Marunong rin umanong lumangoy ang dalawang bata kaya hindi nila alam kung bakit malulunod ang tatlo nilang kapamilya.

“Pinasisid na nila gamit ang compressor, tapos unang nakita sa dulo na ng isla. Pinadpad na sila sa batuhan. Bandang alas sais ang bunso nakita, sunod namang nakita ang kuya ko nang 6:30 p.m., tapos 8:30 p.m. nakita po ang panganay na anak na lalaki,” kwento pa ng kapatid.

Ayon sa kanya, posibleng dahil sa malakas na agos ng tubig at papahibas kaya nangyari ang aksidente.

Naulila ng tatlo ang nanay at ang isang taong gulang na kapatid na babae.

Previous articleCity gov’t stresses need to discuss SOGIE bill with youth sector
Next articlePalawan’s Miss Philippines-Earth candidate seeking financial support
covers the police beat and other law enforcement agencies in the province. Her interest includes traveling and photography.